NYC kinalampag ni Padilla sa pagkakalat ng gov’t stand sa aktibismo, armed conflict

NYC kinalampag ni Padilla sa pagkakalat ng gov’t stand sa aktibismo, armed conflict

September 2, 2022 @ 4:00 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Inungkat ni Senador Robin Padilla kay National Youth Comission (NYC) Executive Director Leah Villalon kung nakikipagtulungan ang siyan sa Sangguniang Kabataan upang ipakalat ang posisyon ng gobyerno sa aktibismo at armed conflict at iba pang isyung bayan.

Sa ginanap na pagdinig ng Senate committee on youth na pinamumunuan ni Senador Sonny Angara, sinabi ni Padilla na wala itong tutol sa aktibismo pero hindi dapat humawak ng armas ang sinuman.

“Ako, wala naman akong ano sa mga aktibista. Ok lang yan, wag ka lang humawak ng armas dun tayo magkakatalo,” ani Padilla.

“Pero, doon sa usapin ng balansehin, hindi ba kayo dapat makipag-coordinate sa SKL dyan. Meron ba kayong coordination sa SK,” giit niya.

Sumang-ayon naman si Villalon sa katanungan ni Padilla.

Ayon kay Padilla, maraming kabataan ang napupunta sa armadong pakikibaka kaya’t hinikayat niya anga ahensiya na palawakin ang talakayan na naipapaliwanag ng National Youth Commission kung ano ang posisyon ng gobyerno.

Iginiit niya na marami siyang hinaing sa pamahalaan pero nawala ito nang pumasok sa politika.

“Nung wala pa ako sa gobyerno, ang dami kong hinaing laban sa gobyerno. Ngayon, nasa gobyerno na ako, nakikita ko ang daming programa ng gobyernong napakaganda,” aniya.

Ayon kay Padilla, ang NYC ang akma at tumpak na ahensiya sa pagkakalat ng programa at proyekto ng pamahalaan sa kabataan. Ernie Reyes