Obiena balik na sa national team  

Obiena balik na sa national team  

August 17, 2022 @ 5:09 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Pormal nang naibalik sa pambansang koponan si Olympian Pole Vaulter Ernest John Obiena matapos iendorso ng Philippine Athletic Track and Field Association (PATAFA) ang kanyang muling pagkasama, kasama ang limang iba pang atleta, sa Philippine Sports Commission.

Lumabas ang magandang balita matapos bumoto dito ang mayorya ng mga miyembro ng PATAFA Board sa kanilang special board meeting na ginanap noong Sabado, Agosto 13.

Ito ang ibinunyag ni PATAFA Executive Vice President Willie Torres, base na rin sa utos ni PATAFA President Terry Capistrano.

Sinabi ni PSC Executive Director Atty. Guillermo Iroy Jr. na ang desisyong ito ay magkakabisa ngayong buwan at ang mga pagbabago ay nasa loob ng umiiral na quota ng koponan ng athletics.

Nalulugod naman ang kasalukuyang PSC Officer in charge, Commissioner Bong Coo,  sa mga pangyayaring ito na nagsasabing “kami ay nagpapasalamat sa pamunuan ng PATAFA” sa ginawa nitong hakbang upang patatagin ang lakas ng ating pambansang koponan sa atleta.RICO NAVARRO