Obiena handa na sa int’l competitions

Obiena handa na sa int’l competitions

January 13, 2022 @ 10:44 AM 1 week ago


MANILA, Philippines – Ibinida ni Olympian pole vaulter EJ Obiena na handa na siya sa bumalik sa international competitions matapos ang matagumpay na operasyon noong Martes sa kanyang maliit na meniscus tear sa kaliwang tuhod.

Sa isang Instagram post noong Miyerkules, masayang ibinahagi ng world no. 6 ang kinalabasan ng kanyang minor surgery sa Germany at idiniin na naghahanda na siya ngayon para sa Init Indoor Meeting sa Karlsruhe, Germany sa Enero 28.

“Naging matagumpay ang operasyon. Nilinis nila ang meniscus at tinanggal ang turnilyo sa aking tuhod mula sa unang operasyon niya sa ACL noong 2017 dahil ang bone graft ay ganap na tumigas,” ayon kay Obiena sa kanyang post.

“Hindi ito dapat makaapekto sa aking pagpapagaling at patuloy pa rin ang aming target na paglahok sa ika-28 ng Enero na kumpetisyon.”

Nagpasalamat din si Obiena sa Philippine Sports Commission (PSC) matapos aprubahan ng ahensya ang budget para sa kanyang medical expenses.

“Maraming salamat sa lahat ng tumulong at sumuporta sa akin para maging posible ang operasyong ito. Nagpapasalamat din ako sa pag-anunsyo kahapon ni Chairman Butch Ramirez na may available na pondo para sa aking operasyon,” dagdag pa ni Obiena.

“I may be able to use this money once available to me to reimburse the advances of good samaritans.”
Kasunod ng kanyang operasyon, sinabi ni Obiena na naghahanda na siyang muling kumatawan sa bansa sa mga pangunahing internasyonal na kaganapan.

Ang 26-anyos na atleta ay inaasahang sasabak sa limang torneo ngayong taon kabilang ang Vietnam Southeast Asian Games at Asian Games.Rico Navarro