Obiena may panibagong gold sa Germany

Obiena may panibagong gold sa Germany

September 1, 2022 @ 4:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Patuloy ang paghakot ni EJ Obiena ng gintong medalya  sa ikalawang bahagi ng kanyang season.

Nasungkit ni Obiena ang isa pang gintong medalya sa Germany nang siya ay namuno sa St. Wendel City Jump ngayong  Huwebes (oras ng Maynila).

Na-clear ng Filipino pole vault ace ang 5.86 meters para dominahin ang field habang ini-reset din ang tournament record, na dati ay nasa 5.71 meters.

Si Obiena, na naibalik sa pambansang koponan kamakailan, ay sinubukang tumalon ng 6.0m ngunit nakagawa ng tatlong pagkakamali upang tumira sa 5.86m.

Kagagaling lang ng 26-anyos na atleta sa gold medal finish noong nakaraang linggo sa Germany nang malusutan ang  5.81 meters para pamunuan ang event.

“Third attempt on opening height made this competition even more breathtaking. As always the competition atmosphere was amazing and thank you for having me,” sabi ni Obiena sa isang Facebook post.”

Ang world no. 3 na si Obiena ay babalik sa aksyon sa Setyembre 2 para sa Memorial van Damme.

Nakatakda rin niyang subukan ang kanyang katapangan sa ISTAF sa Berlin at Golden Fly sa ika-4 at ika-11, ayon sa pagkakabanggit.RICO NAVARRO