Obiena payag makipag-ayos sa  PATAFA

Obiena payag makipag-ayos sa  PATAFA

February 8, 2022 @ 12:13 PM 8 months ago


MANILA, Philippines – Pumayag na si Pinoy pole vaulter EJ Obiena na makipag-usap sa Philippine Athletics Track and Field Association (Patafa) sa naisin nitong muling maging bahagi ng national team.

Nangako si Obiena sa PATAFA na magiging maayos na ang kaniyang magiging liquidation sakaling may bago itong pondo na makukuha.

Sa katatapos na committee hearing sa senado ng sports and finance committee sa pangunguna ni Senator Bong Go, nilinaw ni Obiena na nais niyang maging bahagi ng national team upang katawanin ang bansa.

Nag-ugat ang sigalot sa pagitan ni Obiena at PATAFA matapos akusahan noong Nobyembre ng sports organization ang atleta ng umano’y pamemeke sa liquidation ng mahigit P4.8 milyon na pondo na para sa sweldo ng kanyang  Ukrainian coach na si Vitaly Petrov.

Kahit si PATAFA president Philip Juico ay nagpahayag na nais na rin niyang maayos ang lahat.

Nilinaw ni Juico na ang desisyon na  tanggalin si Obiena sa roster ng national team ay kagustuhan ng board ng PATAFA.

Sa ginanap na hearing, sinagot ni Obiena sa isang online meeting ang mga umano’y malisyosong akusasyon sa kanya ng PATAFA.

Kaugnay sa nadelay na pagbabayad ng sweldo ni Vitaly Petrov, sinabi ni Obiena na binayaran niya ng buo o sobra pa nga ang sweldo ng kanyang coach.

Isiniwalat din ni Obiena na noong January 21, 2022, nag-email umano ang accounting division ng Philippine Sports Commission (PSC) na lahat ng kanyang dating unliquidated balance ay naayos na, at wala na siyang pending unliquidated balance.

Aminado si Obiena na may pagkakataon na nahuhuli siya ng pagbabayad sa kanyang coach.

Nagsalita din sa pagdinig ang ina ni Obiena na si Jeanette Obiena, na sinabing nagulat at nasaktan sila sa nangyari sa kanilang anak.

“Ang totoo po ay nag-abono po ako ng P600,000 para sa anak ko,” wika ni Jeanette. “Dahil sa panahon na ‘yun, nag-follow up po ako sa PATAFA tungkol sa training allowance ni EJ. Ang sabi po sa akin, wala pa pong pondo ang PATAFA.”

“‘Di ko maalala sino nagsabi sa kanila na kung pu-pwede abonohan ko muna ‘yung training allowance niya, tutal meron naman pina-process sa PSC para sa reimbursement.”

Idinagdag pa ng ina ni EJ na nakitira muna siya sa bahay ng kanyang kapwa atleta dahil wala siyang pambayad sa sarili niyang matitirahan.

“Noong andoon siya sa bahay ni Thiago (Braz, pole vaulter mula sa Brazil), para hindi nakakahiya kay Thiago, naglilinis siya sa bakuran, nagugupit ng damo at naglilinis ng bahay, para hindi nakakahiya,” dagdag pa ni Jeanette.

“Bilang magulang, hindi ko matanggap na nasa ibang bansa at nag-iisa ang anak ko at walang matirhan. Masakit sa amin.”

Ayon naman kay PATAFA president Philip Ella Juico, sinabi niya na nagsimula ang issue sa mismong coach ni Obiena na nagrereklamo na wala itong natatanggap na sahod.

Base sa records ng PATAFA, late nakapagbayad si Obiena sa kanyang coach at ‘yan ay matapos magsumbong ni Petrov kay Sergey Bubka na senior vice president ng World Athletics Association at kay Juico at iginiit na wala siyang natatanggap na bayad simula noong 2018 hanggang 2021.

Ayon kay PATAFA treasurer Noel Silva, May 2018 palang ay nagsimula na sila magpadala ng pera kay Obiena kasama na ang bayad sa kanyang coach na 1,500 EUR kada buwan. Pero nagsimula lang magbayad si Obiena sa kanyang coach simula noong September hanggang November 2021.

Kuwento pa ni Juico, sinasabi sa kanya ni Petrov na tinatanong na niya si Obiena kung bakit hindi siya nababayaran bilang coach niya sa pole vault.

“Every time he asked Obiena why he was not being paid coaching fees, Obiena dismissed the question by saying that the PATAFA was not capable of paying its fees, and that we are a poor country,” ani Juico. “We don’t have the capacity to pay for these.”

Itinanggi naman ito ni Obiena.

Sa kasagsagan ng pagdinig, nakiusap sila Senator Franklin Drilon at Senator Pia Cayetano kay Obiena at PATAFA na magkasundo na at isantabi na ang isyu ng sponsorship, ng late payments at iba pa.

Pabayaan na umano ang Commission on Audit ang magsabi kung may mali sa paggamit ng pondo. Hiniling din ng mga senador na ibalik si Obiena bilang miyembro ng national team ng Pilipinas.

Tugon ng PATAFA, handa silang muling bumalik sa mediation at kalaunan pagdesisyunan ang hiling na ibalik si Obiena bilang national athletes.

Hinimok din ng chairman ng komite na si r Bong Go na muling mag-usap at ayusin ang gusot.Rico Navarro