Obispo ng Gumaca, pumanaw na

Obispo ng Gumaca, pumanaw na

March 17, 2023 @ 6:38 PM 1 week ago


MANILA, Philippines – Pumanaw na sa edad na 71 si Bishop Victor Ocampo ng Diocese of Gumaca sa probinsya ng Quezon.

Sa ulat ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) news website, iniulat na atake sa puso ang sanhi ng pagpanaw ng Obispo.

Ayon kay Fr. Tong Ryan del Moro, chancellor ng Diocese, ang Obispo ay binawian ng buhay sa Ospital sa Gumaca.

Si Bishop Ocampo ay ipinanganak sa Angeles City noong 1952 at naordinahang pari sa Diocese of Balanga noong 1977.

Matapos maordinahan, nagtrabaho siya sa walong parokya at nagsilbi bilang director ng ibat-ibang diocesan offices tulad ng catechetical office, liturgical commission, Biblical apostolate, at sa family and life commission.

Nagsilbi rin siya bilang chancellor ng Diocese at miyembro ng consultors.

Si Ocampo rin ang diocesan administrator ng bayan ng Balanga mula Nobyembre 2009 hanggang Hulyo 2010 nang ang diyosesis ay walang obispo.

Itinalaga ni Pope Francis si Ocampo bilang pangatlong Obispo ng Diocese of Gumaca noong Hunyo 12, 2015.

Siya ay naordinahan sa posisyon noong Agosto 29, 2015 at iniluklok noong Setyembre 3, 2015. Jocelyn Tabangcura-Domenden