Obispo, tutol sa pag-aarmas sa mga pari

Obispo, tutol sa pag-aarmas sa mga pari

June 18, 2018 @ 5:10 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Tutol ang isang Obispo sa pag-aarmas ng mga pari bilang proteksyon sa kanilang sarili.

Ayon kay Caceres Archbishop Rolando Tria-Tirona ang National Chairman ng CBCP NASSA/Caritas Philippines, ang mga pari ay tagapagpalaganap ng kapayapaan.

Dapat din aniyang masusing suriin ng pamahalaan kung ano ang nag-udyok sa paglala ng pamamaslang sa lipunan.

Sinabi ng Arsobispo na dapat ding makinig ang pamahalaan sa mga usaping umiiral sa lipunan lalo na ang krimen.

“Kung ang pari ngayon ay nagsisipag-aarmas, grabe na ang sitwasyon di ba, biruin mo pati ang taong simbahan at siyempre kung that will justify the priest will carry arm I would say NO.” dagdag ng Obispo.

Naniniwala rin si Bishop Tirona na mahalaga ang pakikipagdayalogo upang pag-usapan ang mga suliranin ngunit dapat susundan ito ng tiyak na pagkilos upang tuluyang malutas ang anumang suliranin.

Ang usaping pag-aarmas ng mga pari ay kasunod ng sunod-sunod na insidente ng pagpaslang at pamamaril sa mga lingkod ng simbahan kung saan 3 pari ang nasawi sa loob ng anim na buwan habang 1 ang sugatan at nakaligtas sa kamatayan.

Unang biktima ng pamamaslang si Rev. Fr. Marcelito Paez ng Jaen Nueva Ecija noong ika – 4 ng Disyembre ng nakalipas na taon, sumunod naman si Fr. Mark Anthony Ventura noong ika – 29 ng Abril at huling napaslang si Fr. Richmond Nilo na binaril sa altar ng Nuestra Seniora dela Nieve Chapel sa Mayamot Zaragosa noong ika – 10 Hunyo.

Habang nakaligtas naman si Fr. Rey Urmeneta na binaril ng riding in tandem noong ika – 6 ng Hunyo sa Calamba Laguna.

Samantala, tutol din si San Pablo Bishop Buenaventura Famadico sa nasabing panukala kahit ito ay para sa seguridad ng kanilang buhay habang naglilingkod sa simbahang katolika.

Ito ang pahayag ni Bishop Famadico kasunod ng ulat na may mga pari sa Laguna ang nagdadala ng baril bilang proteksyon mula sa kasamaan. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)