Obligation based budgeting system, gustong ibalik ng Kamara

Obligation based budgeting system, gustong ibalik ng Kamara

August 9, 2018 @ 5:10 PM 4 years ago


 

Manila, Philippines – Kumikilos na ang House of Representatives para baguhin ang 2019 proposed national budget para ibalik ito sa Obligated Based na gaya ng latag ng budget noong 2018 matapos na rin bawiin ng mga mambabatas ang suporta nito sa isinusulong ng Department of Budget and Management na Cash based Budgeting System.

Nais ng Kamara na bawiin sa Senado ang nauna nang panukalang batas na House Bill 7302 o Budget Reform Bill na kanila nang ipinasa sa Third and Final Reading noong Marso 20 at ngayon ay nasa Senado sa ilalim ng HB 7302 ay isinusulong ang cash-based budgeting system.

Naghain na ng resolusyon sina House Appropriations Committee Chairman Karlo Alexie Nograles at Vice Chairman nito na si Joey Salceda at House Majority Leader Rolando Andaya para mabawi ang HB 7302 at nakatakda na din nitong ipatawag ang mga opisyal ng DBM para sa gagawing pagbabago ng budget.

Ipinaliwanag ni Nograles na una nilang sinuportahan ang cash based budgeting dahil sa maganda ito ngunit kalaunan ay nakita nila ang negatibong epekto nito, pangunahin na dito ang pagkakaltas sa pondo ng maraming kagawaran para sa 2019.

“So after the caucus that happened yesterday, the members of the House of Representatives agreed to sign a resolution seeking for the recall of the budget reform bill we had approved.What the House is saying is ayaw namin ng cash-based budgeting. Gusto namin ibalik sa obligation-based” pahayag ni Nograles kung saan nakita umano nito na kung maaprubahan ng Senado at maging batas ang HB 7302 ay malaki ang magiging epekto nito sa 2019 budget at sa mga susunod pang budget.

Dagdag pa ni Nograles na kung ipipilit ang cash-based budgeting system ay nangangahulugan ito ng mas kakaunting pondo din para sa mga proyekto na higit isang taon bago itayo gaya ng mga classroom, gusali, health facilities at iba pang irrigation projects at maging ang pondo para sa free tuition law for State Colleges And Universities (SUCs) ay tatamaan.

Sa ilalim ng sistema ng cash based budgeting ay isang taon lamang ang validity ng pondo ng mga ahensya at pwersado silang gugulin ito kahit pa man may mga obstacles gaya ng kalamidad.

Tanging 3 buwan na palugit ang ibinibigay para matapos ang project contract at kapag hindi nagamit ang pondo ay hindi na ito ibabalik.

Samantala sa Obligation Based Budgeting ay mas nakakakilos umano ang mga ahensya dahil maaaring magpatupad ng proyekto kahit na sa susunud na taon pa ito bayaran o pondohan.

Ani Nograles, ipapasa nila sa DBM kung ano ang nararapat na gawin sa budget ngayong nagdesisyon na ang Kamara na ibalik ito sa Obligation Based Budgeting.

Samantala, sinabi naman ni Albay Rep Edcel Lagman na posibleng mauwi sa reenacted budget ang gobyerno sa 2019 kasunod ng pagtanggi ng Kamara na suportahan ang cash based budgeting system.

“hindi malayong magkaroon ng impasse ang Kamara at DBM kung magmamatigas ang DBM sa gusto nilang sistema. Kung ganito ang mangyayari ay mas maganda nang magkaroon ng reenacted budget kaya ipilit ang 2019 budget ng DBM” paliwanag ni Lagman.

Dagdag pa ni Lagman na maaari naman na ituloy ang cash based na gusto ng DBM subalit dapat nitong taasan ang ceiling ng alokasyon ng mga ahensya at hindi kakaltasan dahil kung ganito umano ang mangyayari ay parang inalis na sa Kongreso ang power of the purse at isinuko na sa Ehekutibo na siyang nagpasya ng dapat lamang na alokasyon sa mga government agencies. (Gail Mendoza)