Obrero kinatay ng katomang badtrip

Obrero kinatay ng katomang badtrip

January 23, 2023 @ 7:30 PM 2 weeks ago


Bulacan – Patay ang isang construction worker matapos pagtatagain ng bolo ng kababayang kainuman na nabwisit sa kanya sa bayan ng San Ildefonso.

Kinilala ang suspek na si Alex Surio, 50, habang ang biktima ay nakilalang si Michael Mendaño, legal age, construction worker at kapwa residente ng Catarman, Samar.

Sa report ni San Ildefonso Acting chief of police PLt. Col. Russel Dennis Reburiano, nangyari ang insidente bandang ala-6 ng gabi nitong Linggo, Enero 22 sa Upig Highschool, Purok 6, Brgy. Upig.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, sa kasagsagan ng tagayan ng dalawa ay bigla na lamang nabuwisit ang katomang suspek at kumuha ng bolo sa kanilang barracks.

Nang makabalik ang suspek ay walang kaabog-abog na pinagtataga at pinagsasaksak ang biktima sa ibat-ibang parte ng katawan na agarang ikinamatay nito.

Boluntaryong sumuko naman ang suspek sa mga rumespondeng tanod sa lugar at isinuko naman nila ito sa pulisya kalaunan.

Narekober din ng mga awtoridad ang bolong ginamit umano ng suspek na nahaharap sa kasong murder habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III