Obrero nagiling sa pulverizer!

Obrero nagiling sa pulverizer!

June 9, 2022 @ 8:26 AM 2 weeks ago


MANILA, Philippines – Naglabas ng temporary work stoppage order ang Department of Labor and Employment Central Visayas (DOLE-7) laban sa kumpanya ng pagkain at inumin (food ang beverages)  sa Mandaue City matapos mamatay ang isa nitong manggagawa habang naglilinis ng pulverizer machine.

Sinabi ni Marites Mercado, hepe ng Tri-City field office ng DOLE-7, na naglabas ng  work stoppage order laban sa  Universal Robina Corp. (URC) noong Lunes, Hunyo 6, para sa paglabag sa safety protocols para sa kanilang manggagawa na nagresulta sa pagkamatay ni  Stephen Corilla noong Hunyo 2.

Napatay si Corilla nang mahigop  sa pulverizing machine nang aksidente itong na-on habang nasa loob pa siya nito.

Sinabi ni Mercado na agad naglabas ng inspection authority ang DOLE-7 nang makarating sa kanila ang impormasyon upang inspeksyunin ang factory ng kumpanya at upang magsagawa ng  Occupational Safety and Health investigation.

Dagdag pa ni Mercado, hindi aalisin ang work stoppage order hannggat makapagsumite ang URC ng kinakailangang dokumento na  isasailalim sa validation ng mga labor inspector ng DOLE.

Nagpataw din ang DOLE-7 ng P100,000 na multa laban sa URC dahil sa paglabag sa DOLE-7 department order 198-18 na siyang implementing rules and regulations ng Republic Act No. 11058 na tinawag na “An Act Strengthening Compliance with Occupational Safety and Health Standards and Providing Penalties for Violations Thereof.”

Sinabi ni Mercado  na kabilang sa mga natuklasan ng kanilang mga inspektor ay ang quarterly maintenance ng kasangkot na makina ay “hindi sapat.”

Dagdag pa niya na ang ahensya ni Corilla, ang HR Team Asia, ay nangako rin ng tulong pinansyal sa kanyang pamilya.

Ang URC ay nagsasagawa rin aniya ng sariling imbestigasyon sa insidente.

Aniya hinihintay din nila ang resulta ng pag-iimbestiga ng nasabing kumpanya. Jocelyn Tabangcura-Domenden