Obrero patay sa sumabog na LPG

Obrero patay sa sumabog na LPG

November 23, 2022 @ 12:38 PM 6 days ago


TRECE MARTIRES – Dead-on-the-spot ang isang construction worker habang sugatan ang tatlong kasama nito matapos sumabog ang ginagamit nilang liquefied petroleum gas (LPG) para sa acetylene kahapon ng umaga, Nobyembre 22 sa lalawigan ng Cavite.

Kinilala ang namatay na si Eddie Boy Villar, 35-anyos, residente sa Silang St., Barangay Osorio, Trece Martires City.

Ginagamot naman sa ospital ang mga sugatan na sina Jason Reyes, Valentin Dimailig at Ian Nacap, lahat ay nakatira sa nasabing lugar.

Batay sa report ng Trece Martires Police Station, dakong 11:40 ng umaga naganap ang insidente sa Command Center compound sa Barangay Gregorio, ng nasabing lungsod.

Base sa paunang imbestigasyon ng pulisya, naghuhukay ang mga biktima sa construction site para paglagyan ng bakal na kanilang pinutol gamit ang LPG nang bigla na lamang itong sumabog.

Sa lakas ng pagsabog ay nagtamo ng matinding pinsala sa iba’t ibang parte ng katawan si Villar na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.

Nagpapatuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa naturang insidente. Mary Anne Sapico