Obrero pinalakol sa mukha; suspek bugbog-sarado

Obrero pinalakol sa mukha; suspek bugbog-sarado

December 21, 2022 @ 4:34 PM 1 month ago


Bulacan – Arestado ang lasing na 31-anyos na binatang vendor matapos niyang palakulin sa mukha ang kasuntukang construction worker sa lungsod ng San Jose Del Monte (SJDM).

Kinilala ang suspek na si Oliver Nibado habang ang biktima ay si Arielito Nacional, 42, may-asawa at kapwa residente ng Brgy. San Isidro.

Sa report ni SJDM Acting chief of police PLt. Col. Ronaldo Lumactod Jr, nangyari ang insidente bandang alas-11 ng umaga nitong Disyembre 19, sa Purok 1, Brgy. San Isidro.

Ayon sa imbestigasyon, sumugod ang suspek na umanoy bitbit ang palakol at nasa impluwensiya ng alak sa bahay ng biktima.

Nang magtagpo ay walang kaabog-abog na pinalakol niya ang biktima na tumama sa pisngi at noo nito.

Agad tumakas ang suspek subalit naabutan siya ng ilang tumugis na concerned citizen at nakakita sa brutal na pangyayari kaya siya ginulpi ng todo ng mga ito.

Nalamang naawat lamang ang paggulpi ng ilang concern citizen sa suspek nang dumating ang mga tanod.

Dahil dito, isinugod ang biktima at ang suspek sa Ospital ng Lungsod para sa paunang lunas.

Isinuko naman sa pulisya ang suspek matapos ang paunang lunas na nahaharap sa kasong Frustrated Murder habang ang biktima ay nanatili sa ospital para sa kaukulang operasyon dahil sa tinamong sugat.

Sinasabing, bago nangyari ang insidente ay nagkaroon muna nang mainitang pagtatalo ang dalawa na nauwi sa suntukan. Dick Mirasol III