Obrero tinarakan ng katoma

Obrero tinarakan ng katoma

September 1, 2022 @ 4:48 PM 1 month ago


Bulacan- Arestado ang isang 48 anyos na backhoe operator matapos saksakin ang kainumang 37 anyos na binatang construction worker sa bayan ng Marilao.

Kinilala ni Bulacan Police Acting director PCOL. Charlie Cabradilla ang suspek na si Joefry Mirabueno habang ang biktima ay si Ross Salcedo kapwa residente ng Westmond compound, Brgy. Sta. Rosa 1.

Sa report ng Marilao police, nangyari ang insidente sa isang inuman bandang 11:50 ng umaga nitong Agosto 31 sa naturang compound.

Ayon sa report, masayang nagtatagayan ang biktima at ang suspek kasama ang mga kasamahan sa trabaho nang magkaroon ng mainitang pagtatalo ito.

Dahil dito, tuluyang nagpang-abot ang dalawa hanggang sa bumunot ng balisong ang suspek at undayan sa tiyan ang biktima.

Nang humupa ang away ay agad humingi ng saklolo ang mga kasamahan sa barangay kaya naaresto ang suspek habang nabigyan ng paunang lunas ang biktima.

Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon. Dick Mirasol III