Obrerong kumatay, gumahasa sa dalagita sa Cavite, arestado sa Bulacan

Obrerong kumatay, gumahasa sa dalagita sa Cavite, arestado sa Bulacan

September 15, 2022 @ 3:41 PM 2 weeks ago


BULACAN – Arestado ang 33 anyos na construction worker na umano’y pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa isang 16 anyos na babae sa follow up operation ng mga awtoridad sa San Jose Del Monte, Bulacan.

Kinilala ni SJDM Acting chief of police Cresenciano Cordero Jr ang suspek na si Elden Alegria Jr, habang ang biktima ay itago sa pangalang Angel kapwa residente ng Brgy. Cabuco, Trece Martires City.

Sa report, ikinasa ang operasyon ng pinagsamang puwersa ng SJDM at TMC police bandang alas 5:15 ng hapon nitong Setyembre 14 sa Sitio Aldaba Hills, Brgy. Minuyan Proper, SJDM.

Ayon sa report, ang suspek ang pangunahing suspek sa panggagahasa at pagpatay sa dalagita bandang alas 11:00 ng gabi noong Setyembre 11, sa Sunshine Ville, Brgy. Cabuco.

Napagalamang nagpaalam ang dalagita sa kanyang ama bandang alas 10 ng gabi nitong Linggo na makikitulog lang sa kanyang kapatid na kanilang kapitbahay.

Subalit mga isang oras ay dali-daling lumabas ito sa bahay ng kapatid na hindi na nagawang nagpaalam ng maayos at simula noon ay hindi na bumalik.

Sinasabing nakita na itong bangkay sa ilalim ng tulay sa Brgy. Cabuco nitong Lunes ng umaga na wala ng saplot, may sugat sa ulo at laslas ang leeg.

Narekober ng mga awtoridad sa crimescene ang pulang sumbrero, brief, kutsilyo at tsinelas.

Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nasa kostudiya ng TMC police station. Dick Mirasol III