Obrerong senglot, naghuramentado, nanaksak ng puwit, singit ng kapitbahay

Obrerong senglot, naghuramentado, nanaksak ng puwit, singit ng kapitbahay

September 12, 2022 @ 5:26 PM 3 weeks ago


SANTA MARIA, Bulacan – Arestado ang 36 anyos na nakainom matapos manaksak sa puwit ng construction worker at singit ng isang umawat na kapitbahay sa bayan ng Santa Maria, Bulacan.

Kinilala ni Bulacan Police Officer-In-Charge PCOL Relly Arnedo ang suspek na si Jaypee De Juan, binata habang ang mga biktima ay sina Gonzalo Pacubas, 35, may- asawa at Gary Layson, 35, kapwa construction worker ng Brgy. Sitio Putol, Brgy. Bulac.

Sa report ng Santa Maria police, nangyari ang insidente bandang alas 6:30 ng gabi nitong Setyembre 11, sa naturang lugar.

Ayon sa report, naghahapunan si Gonzalo at ang kanyang asawa nang marinig na nagsisigaw sa tapat ng kanilang pintuan ang lasing na si Jaypee.

Isinisigaw umano nito na siya ay papatay ng tao kaya hinarap at tinanong ni Gonzalo kung may problema ba ito.

Dahil dito, hindi sumagot si Jaypee at hindi umimik na umuwi sa kanilang bahay subalit ilang minuto ay bumalik ito na may bibit na balisong.

Nang muling magkrus ang daan nila ni Gonzalo ay walang kaabog-abog na sinaksak niya sa kaliwang bahagi ng likod at kaliwang puwit.

Umawat naman sa gulo ang kapitbahay na si Garry subalit sinasak din siya ni Jaypee sa kanang singit.

Agad naman naisugod ang dalawang biktima sa Rogaciano Mercado Hospital para sa paunang lunas at naaresto si Jaypee nang rumespondeng mga tanod kalaunan.

Nahaharap ang suspek sa kasong Frustrated Murder at Frustrated Homicide habang nakakulong sa naturang istasyon ng pulisya. Dick Mirasol III