Sa mahabang panahon, never na nakakikita tayo ng mga scalawag cop na hinuhuli at pinarurusahan ng kanilang mga superior.
Kaya dapat tayong matuwa kay DG Oscar ‘Oca’ Albayalde, dahil sa kanyang liderato tila, walang puwang ang siraulong pulis.
Sinimulan ni Gen. Albayalde ang pagdidisiplina sa mga loko-lokong lispyak nang siya ay hepe ng National Capital Region Police Office.
At ipinagpatuloy ni C/Supt. Guillermo ‘Guilor’ Eleazar ang gawaing ito ni Gen. Oca nang italaga siya nito bilang NCRPO chief.
Pero bago pa man maging Metro Manila police director ay kilala nang disciplinarian si Gen. Guilor sa mga tauhan ng mga naging assignment niya.
Dahil sa kanilang (Oca-Guilor) tandem, kaya hindi nakapagtatakang kaliwa’t kanan ngayon ang nahuhuling ‘bad eggs’ sa PNP.
Sa mga nakaraang araw, sunod-sunod na nakita nating nagagalit at kinokompronta ni Gen. Eleazar ang mga tiwaling pulis.
Andyan ‘yung mga hulidap na pulis ng Maynila, mga extortionist na pulis sa Makati at Valenzuela at abusadong pulis na nanampal ng driver ng bus.
May isang pulis na tinakot at binantaan ang dalawang menor-de-edad, mga kidnap for ransom na pulis ng Muntinlupa at Taguig City.
Ang mga siraulong pulis na ito ay pinao-operate at pinahuhuli ni Gen. Eleazar mula sa sumbong ng taumbayan.
Dahil sa aksyon agad attitude ni Gen. Eleazar, ang taumbayan na natatakot magsumbong ay nagkakaroon na ngayon ng tiwala sa kapulisan.
Ayon kay ex-PNP chief at ngayo’y Sen. Ping Lacson na eksperto sa police matters, hindi naman daw dumarami ang mga scalawag policeman.
Aniya, ngayon nga lang daw nagaganap ito, dahil sa PNP leadership na pinamumunuan ni Gen. Albayalde, at lalo na raw sa NCRPO na under kay Gen. Eleazar.
Kuwento ng senador ‘pinaigting nang husto ang kampanya laban sa scalawags, kaya nababalatan na, nakikilala na at natitimbog na ang mga scalawag na pulis.
Subalit kung galit si DG Albayalde at si Gen. Eleazar sa bad cops, natutuwa at binibigyan naman nila ng awards ang mga ‘good’ policeman.
Pero teka, sana’y mag-ala-Gen. Eleazar naman ang ibang regional commander para nationwide ang nangyayaring internal cleansing sa PNP.
Isang hamon ito sa kanila, now na! – CHOKE POINT NI BONG PADUA