OCD lilikha ng protocol batay sa karanasan ng PH rescue team sa Turkey

OCD lilikha ng protocol batay sa karanasan ng PH rescue team sa Turkey

February 27, 2023 @ 7:56 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Nakatakdang bumalangkas ang Office of Civil Defense (OCD)  ng earthquake-related protocols base sa kaalaman at pagkakaunawa  ng Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) na dineploy o ipinadala sa Turkey.

Sinbi ni OCD Joint Information Center head Diego Mariano  na ang Filipino team na dineploy sa Turkey ay mayroong dalawang accomplishment.

Ang una ay matapos yanigin ng 7.8 magnitude na lindol ang Turkey at kalapit nitong bansa na Syria noong Pebrero 6. Umabot sa 46,000 ang nasawi sa dalawang bansa dahil sa lindol.

Habang ang pangalawang accomplishment ay nangyari nang yanigin naman ng  magnitude 6.4 na lindol noong Pebrero 20 ang timog na bahagi ng probinsya ng Hatay, Turkey at hilaga ng Syria.

“Wala pang lindol sa atin, pero alam na natin ang gagawin dahil nga dito sa deployment na nagawa natin. Sila ay nakakuha ng iba’t ibang insights at ‘yan ay kanilang ibabahagi sa atin, kung ano ang dapat gagawin o ano ang applicable sa ating bansa pagbalik nila dito,” ayon kay Mariano sa isang panayam.

Sinabi ng OCD na ang lahat na 82 miyembro ng  PIAHC  ay naatakdang bumalik sa Pilipinas sa darating na Marso 1.

Sa oras na magbalik-Pinas na ang  mga ito ay kagyat na magkakaroon ng debriefing sa  rescue team para talakayin ang kanilang natutunan sa  two-week mission sa Turkey.

“In our part, kung baga maisa-libro ito, mai-gawa sa tamang protocol at maibahagi sa iba pang sektor dito sa atin either private sector or sa public sector. Hihimayin natin itong experience nila para magamit natin nang husto dito sa Pilipinas,” dagdag na wika nito.

Habang nasaTurkey,  nagawa ng PIAHC  na makumpleto ang kanilang search and rescue operations sa 36 damaged o gumuhong istraktura at nakakuha ng 6 na bangkay.

Ang Philippine Emergency Medical Assistance Team din ang gumamot sa  938 pasyente. Kris Jose