OCTA: 0% COVID-19 positivity rate naitala sa Capiz

OCTA: 0% COVID-19 positivity rate naitala sa Capiz

January 5, 2023 @ 2:36 PM 1 month ago


MANILA, Philippines- Nakapagtala sa lalawigan ng Capiz ng 0% positivity rate sa pagtatapos ng 2022, habang bumaba rin ito sa low levels a Mimaropa, at Visayas at Mindanao regions, batay sa datos ng independent monitoring group OCTA Research.

Base sa impormasyon ni OCTA Research fellow Dr. Guido David, ang positivity rate — o porsyento ng mga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 sa kabuuang bilang ng mga tinest — sa Capiz ay bumaba mula 9.1% noong December 24 sa 0.0% nitong December 31.

Gayundin, bumaba ang positivity rates sa Bohol, Cebu, Davao del Norte, Davao del Sur, Leyte, Misamis Oriental, Misamis Occidental, Oriental Mindoro, Palawan, at Zamboanga del Sur.

Subalit, nakapagtala ng mas mataas na positivity rates sa Aklan, Iloilo, at South Cotabato sa parehong period.

“Aklan had a slight increase in [positivity rate] but many provinces had low positivity rates including Capiz, Cebu, Davao del Norte, Davao del Sur, Iloilo, Leyte, South Cotabato,” ayon sa tweet ni David.

Sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire nitong Linggo na may posibilidad na muling dumami ang COVID-19 infections sa pagdaan ng holidays, subalit binigyang-diin na handa ang mga ospital sa bansa sakaling mangyari ito.

Nakapagtala ang Pilipinas nitong Miyerkules ng 326 bagong kaso ng COVID-19, kung saan bumaba ang active tally sa 11,786. RNT/SA