OCTA: Cavite, Laguna, Quezon, Rizal ‘low risk’ na sa COVID

OCTA: Cavite, Laguna, Quezon, Rizal ‘low risk’ na sa COVID

February 16, 2022 @ 9:40 AM 5 months ago


MANILA, Philippines – Low risk na sa hawaan ng COVID-19 ang Cavite, Laguna, Quezon at Rizal, habang inaasahan na ring sumunod ang Batangas sa loob ng ilang araw, ayon sa OCTA Research, Miyerkoles.

Sa isang tweet, sinabi ng OCTA fellow Dr. Guido David na ang mga positivity rate sa Calabarzon, gayundin sa National Capital Region, ay bumulusok sa mas mababa sa 10%.

“Ang positivity rates sa NCR at Calabarzon ay patuloy na bumaba dahil ang lahat ng mga probinsya ay may mas mababa sa 10% positivity rate noong Pebrero 15,” aniya.

Nauna nang inuri ng OCTA ang NCR bilang ‘low risk’ sa COVID-19 transmission kung saan posible na rin ang pagbaba nito sa ‘very low risk’ classification.

Batay sa datos ng OCTA, ang NCR ay may positivity rate na 7% noong Pebrero 15, habang ang Batangas ay may 10%, Cavite ay may 9%, Laguna at Rizal ay may 8%, at Quezon ay may 4%.

Para naman sa reproduction rate, ang NCR ay may 0.19, Batangas 0.25, Cavite 0.20, Laguna at Quezon 0.19, at Rizal 0.18.

Ang reproduction number ay tumutukoy sa bilang ng mga taong nahawaan ng isang kaso.

Samantala, para sa average daily attack rate, ang NCR ang may pinakamataas na 3.57 habang ang Quezon ang may pinakamababa sa 0.79.

Nauna nang sinabi ni Health Secretary Francisco Duque III na ang buong Pilipinas ay nasa “low risk” ng COVID-19. RNT