OCTA: NCR Plus 8 unahing bakunahan sa limitadong suplay

OCTA: NCR Plus 8 unahing bakunahan sa limitadong suplay

July 13, 2021 @ 3:18 PM 1 year ago


MANILA, Philippines — Ipinaalala ng OCTA Research Group sa gobyerno na mas mainam na magpokus sa planong bakunahan muna ang NCR Plus 8 sa harap pa rin ng limitadong suplay ng bakuna kontra COVID-19.

Kabilang sa NCR Plus 8 ang mga lugar tulad ng Metro Manila, Metro Cebu, Metro Davao, Bulacan, Batangas, Cavite, Laguna, Pampanga, at Rizal.

Ang paalala ay sinabi ni OCTA fellow Dr. Ranjit Rye sa gitna ng anunsyo ng gobyerno na balak nitong magpakalat ng Johnson & Johnson vaccines sa buong bansa, kung saan 100,000 kada rehiyon ang pinaplanong ipadala.

“The key to success, short- to medium-term success, is to stick to a plan. Meron na tayong blueprint e, yung NCR Plus 8. Sana hindi mabahiran ng pulitika, ng mga iba ibang influences yung ating plan. If we stick to that plan, the country will move forward,” paalala ni Rye sa isang televised briefing.

Iginiit ni Rye na sa ngayon ay limitado pa rin kasi ang COVID-19 vaccine suplay kaya dapat unahin ng gobyerno na magturok sa mga itinakdang prayoridad na lugar.

“Ang NCR Plus 8, pag nagfocus ang gobyerno yan, hindi niya lang tinutulungan ang NCR Plus 8, tinutulungan niya yung bansa kasi babagsak ang COVID cases sa lugar na yun, mabubuksan ang ekonomiya sa mga lugar na yun at yung effect ng dalawang bagay na ito, will have impact all over the country,” ayon pa kay Rye. RNT