OCTA: NCR positivity rate umakyat na sa 14.6%

OCTA: NCR positivity rate umakyat na sa 14.6%

July 22, 2022 @ 1:14 PM 4 weeks ago


MANILA, Philippines- Umakyat na ang COVID-19 positivity rate sa National Capital Region sa 14.6%, ayon sa independent monitoring group na OCTA Research nitong Biyernes.

Sinabi ni OCTA fellow Guido David na ang arawang positivity rate sa rehiyon ay naitala sa 14% nitong Hulyo 15 na sumampa sa 14.6% nitong Hulyo 20.

“It is not clear yet what is driving this change in trends. It is also not clear at this time when the peak will be reached in the NCR,” aniya.

Tumutukoy ang positivity rate sa porsyento ng nga indibidwal na nagpopositibo sa COVID-19 mula sa kabuuang bilang ng mga indibidwal na sumailalim sa test.

Tinataya ni David na makapagtatala ng 1,110 bagong COVID-19 cases sa rehiyon ngayong Biyernes.

Sa kasalukuyan ay nakapagtala ang NCR ng 10,636 bagong kaso ng impeksyon sa nakalipas na dalawang linggo, ayon sa Department of Health nitong Huwebes.

Tinataya rin niyang magkakaroon ng 3,000 bagong kaso sa buong bansa.

“Cases are now rising in many parts of the country. The new subvariants are immune evasive. We strongly advise the public to observe caution,” aniya.

Sa isang panayam, binigyang-diin ni David na nananatiling epektibo ang mga bakuna laban sa virus, batay sa mababang bilang ng severe at critical cases sa bansa.

“‘Yun ang magandang balita. So epektibo pa rin ‘yung bakuna. Kahit may immune evasion itong mga variant na ito… pero effective sila dahil ‘yung severe ay kaonti na lang. Hindi ka mamatay, hindi ka rin mao-ospital,” sabi ni David.

Hinikayat din niya ang publiko na magpabakuna ng booster shot dahil sa humihinang immunity ng bakuna sa paglipas ng panahon.

Sa kasalukuyan, nakapagtala na sa Pilipinas ng kabuuang 3,741,987 kumpirmadong COVID-19 cases, kung saan 22,207 ang nananatiling aktibo at 60,641 naman ang pumanaw sa sakit. RNT/SA