Official delegation ng Pinas, may importanteng papel sa WEF – PBBM

Official delegation ng Pinas, may importanteng papel sa WEF – PBBM

January 21, 2023 @ 2:24 PM 1 week ago


MANILA, Philippines- May mahalagang ginampanan ang opisyal na mga miyembro ng Philippine delegation para sa 2023 World Economic Forum (WEF) sa Davos, Switzerland sa pag-promote ng Pilipinas.

Sa isang panayam kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Zurich, Switzerland bago lumipad pabalik ng Pilipinas, sinabi ng Chief Executive na ang naging partisipasyon ng mga miyembro ng delegasyon ay kailangan para selyuhan ang mahahalagang kasunduan.

Bukod pa sa palakasin ang strategic investments at partnerships sa mga key economic leaders, kabilang ang chief executive officers (CEOs) ng Fortune 100 companies.

“When is the next chance we will get to speak to CEOs of top Fortune 100 companies in the period of two days? So, whoever we get to talk to, kailangan nandoon ‘yung secretary na pwede niyang sagutin, pwede niyang kausapin,” ayon sa Pangulo.

Sinabi pa ng Pangulo, sa pagkakasama ng ilang mambabatas, kabilang na rito sina House of Representatives Speaker Martin Romualdez at Senator Mark Villar, winika ng Pangulo na ang batas ay “an important part of what we are doing.”

“Let’s say you talk to a potential investor, sasabihin niya ‘yung batas ninyo hindi maganda, kami naiipit,” paliwanag ng Pangulo

“So, at least we have the legislators here who can say, ‘Well, we can do something about it,’ or ‘No, that is important to us that we maintain it.”ayon pa sa Punong Ehekutibo

Maswerte rin aniya ang delegasyon “to have on board” si dating Pangulo at incumbent House Senior Deputy Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang pahayag na ito ng Pangulo ay tugon sa patuloy na pambabatikos at kritisismo kung saan binansagan pa ang byahe niya sa Switzerland bilang “lavish” o marangya.

Napaulat din na 70-man delegation ang bitbit ng Pangulo sa Switzerland, itinanggi na ito ng Malakanyang.

Sa ulat, kabilang sa official delegation ng Pangulo ang miyembro ng kanyang Gabinete, mga mambabatas, business tycoons, at iba pang government officials, dumalo sa WEF activities at nagsagawa ng serye ng pakikipagpulong sa business leaders sa sidelines ng international forum.

Samantala, sa pulong kasama ang Filipino community sa Zurich, Switzerland, labis na ikinatuwa ni Pangulong Marcos ang accomplishments ng kanyang official delegation sa sidelines ng WEF.

“We are satisfied that we were able to do most, if not all of the things that we wanted to do while we were here,” ayon sa Pangulo. Kris Jose