OFW deployment ban ikinasa sa India

OFW deployment ban ikinasa sa India

December 7, 2022 @ 6:41 AM 2 months ago


MANILA, Philippines – Ikinasa ng Philippine Overseas Employment Administration (POEA) ang deployment ban ng overseas Filipino worker (OFWs) patungo sa India, ayon sa officer-in-charge Administrator nito at Department of Migrant Workers (DMW) Undersecretary for Licensing and Adjudication Bernard Olalia.

Ito ay matapos na isailalim ang India bilang non-compliant destination country para sa mga OFW, ayon sa impormasyong ibinigay sa kanila ng Philippine Embassy sa New Delhi.

Ipinaliwanag niya na para maideklarang compliant ang isang destinasyong bansa, dapat itong matugunan ang tatlong kundisyon.

“There are 3 conditions for a particular destination country to be certified as compliant by the DFA [Department of Foreign Affairs]. Isa rito na napaka importante, dapat may mga batas sila, tinatawag nating domestic o local laws that protects the rights of Filipino migrant workers, unfortunately, napag-alaman ng DFA na wala silang ganon,” paliwanag ni Olalia.

Ang pangalawang kundisyon ay ang patutunguhan na bansa ay dapat na lumagda sa International Convention on the Protection of the Rights of All Migrant Workers and Members of their Families (CRMW) na pinagtibay ng United Nations noong 1990.

Sinabi ni Olalia na bagama’t sinusuportahan ito ng India, hindi nito nilagdaan o niratipikahan ang nasabing convention, kaya hindi sila sumusunod.

“Pangatlo, pinaka importante rin na dapat malaman ng mga kababayan natin, kinakailangan may bilateral labor agreement (BLA) tayo with the destination country. Sa kasamaang palad, wala po tayong BLA with India,” aniya pa.

Ipinaliwanag ni Olalia na ang BLA ay isang mutual agreement na pinasimulan ng bansang patutunguhan o ng labor-sending country.

Gayunpaman, higit sa BLA, sinabi niya na ang isang destinasyong bansa ay dapat magkaroon ng batas na nagpoprotekta sa kanilang mga dayuhang manggagawa upang makatiyak ang gobyerno ng Pilipinas na ang mga OFW sa nasabing bansa ay nasa proteksyon ng kanilang mga batas sa paggawa.

Batay sa available na data, sinabi ni Olalia na mayroong humigit-kumulang 2,000 Pilipino na kasalukuyang nananatili at nagtatrabaho sa India, karamihan ay mga propesyonal at may kasanayang manggagawa. RNT