OFW hospital pinatatayo na ni Digong

OFW hospital pinatatayo na ni Digong

December 8, 2021 @ 7:01 AM 10 months ago


MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagtatayo ng Overseas Filipino Workers (OFW) Hospital sa San Fernando City, Pampanga.

Ang direktiba ng Pangulo ay nakapaloob sa Executive Order 154, na siya ring lumikha ng Inter-Agency Committee on the OFW Hospital (ICOH), kung saan ang Kalihim ng Department of Labor and Employment ang tumayong chairman habang ang Kalihim ng Department of Health naman ang co-chairman nito.

Ang mga miyembro nito ay kinabibilangan ng Kalihim ng Department of Budget and Management, mga hepe ng Philippine Overseas Employment Administration at Overseas Workers Welfare Administration, at maging dalawang kinatawan ng land-based at sea based-OFWs.

Ang pondo para sa pagpapatayo at paunang operasyon ng ospital ay huhugutin mula sa pondo ng Labor department.

Pangunahing tutugunan ng ospital ang healthcare needs ng mga OFWs at kuwalipikadong dependents.

“We consider the establishment of this specialty hospital devoted to OFWs as a long overdue recognition of the valuable contribution of Filipino migrant workers to the economy and to the nation,” ayon kay acting presidential spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

Mula sa milyong Filipino na nagta-trabaho sa ibang bansa, 800,000 ang nagbalik-Pilipinas simula nang humagupit ang COVID-19 pandemic noong unang bahagi ng nakaraang taon, ayon sa government data. Kris Jose