OFW na may expiring visas target ng human traffickers

OFW na may expiring visas target ng human traffickers

March 8, 2023 @ 5:59 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Bureau of Immigration nitong Miyerkules, Marso 8 na target ng mga human trafficker ang mga overseas Filipino workers na may visa na malapit nang mapaso.

Ito ang pahayag ni BI Commissioner Norman Tansingco kasunod ng repatriation ng dalawa pang biktimang OFW na dumating sa bansa noong Marso 4.

“We have observed that these human traffickers are preying on OFWs with expiring visas, particularly in the middle east, and are enticing them to work as call center agents in Asian countries,” ani Tansingco.

“However[,] we are now seeing that this is a human trafficking scheme, and the victims end up being forced to scam other people and are being subjected to physical torture,” dagdag pa niya.

Ayon kay Tansingco, lumalabas sa imbestigasyon na dating OFW sa United Arab Emirates ang dalawang biktima, bago sila nirecruit para magtrabaho sa Thailand.

Pangako sa mga ito ay trabaho bilang customer service representatives sa Thailand na may sahod na P48,000 ngunit dinala ang mga ito sa Myanmar, kung saan sila pinagtrabaho bilang scammer.

Ayon sa mga biktima, inilagay sila sa isang online group chat kung saan ininterview sila at ipinasok sa trabaho ng isang Chinese national.

Dahil dito, nagpaalala si Tansingco sa publiko na kung maghahanap ng trabaho ay magpasa lamang ng aplikasyon sa Department of Migrant Workers. RNT/JGC