OFW sa Jeddah, naglaslas para lang makatakas sa amo

OFW sa Jeddah, naglaslas para lang makatakas sa amo

July 6, 2018 @ 12:30 PM 4 years ago


 

Jeddah – “Hindi ko na makayanan,” ‘yan ang sinabi ng isang OFW matapos siyang maglaslas para lang makatakas sa kaniyang employer dahil siya raw ay ginahasa.

Si “Jinky” ay nasa kustodiya na ng awtoridad ng Pilipinas at sinabing ang paglalaslas na lamang ang naisip niyang natatanging paraan para makaalis sa kaniyang employer na sinasabi niyang hindi naniniwala na siya ay ginahasa ng bayaw nito.

“Hindi ko na makayanan, kung anu-ano na ang naiisip ko. Gustong-gusto ko nang makatakas sa bahay na ‘yun. Ang tanging paraan lang para makaalis sa bahay na ‘yun ay maglaslas ako,” sabi ni Jinky sa isang panayam.

Apat na buwan pa lamang nang magtrabaho si Jinky sa Saudi Arabia at sinabing ang insidente ay nangyari noong siya at ang kaniyang employer ay nakitira ng ilang araw sa bahay ng kaniyang bayaw.

Sinabi niya rin na hindi siya makatakas dahil ang mga pintuan ng bahay ay naka-lock.

Nagmakaawa na rin si Jinky sa kaniyang employer para dalhin siya sa agency pero tumanggi ito at sinabing kailangan niya muna magbayad ng 40,000 SAR.

Ngunit matapos itong maglaslas, dinala na siya ng employer sa pulis.

“Akala ko kung saan ako dadalhin. Ang sabi ng amo ko magbabakasyon lang ako hindi ko alam na sa kulungan na pala ako dadalhin. Nabanggit ko po sa amo ko na nagahasa ako pero ayaw nya maniwala sa akin,” sabi ni Jinky.

Sinabi naman ni Consul General Edgar Badajos na ang pagtatangkang kitilin ang sariling buhay ay isang krimen sa Saudi Arabia.

“Pagkakulong. Hindi naman masyadong mabigat, mga one year, and hindi rin natin sigurado kung may kasama na palo dahil Ia-assess pa ito ng korte. Pero alam namin ‘yung iba ay may lashes,” sabi pa ni Badajos.

Kasunod ng negosasyon sa Saudi police, nakuha na ng awtiridad ng Pilipinas ang kustodiya kay Jinky.

Sabi naman ni Jinky, wala naman daw siyang interes na magsampa ng kaso, ang gusto nalamang niya ay makauwi sa bansa.

Nakatakda na namang umuwi si Jinky sa susunod na linggo sabi ni Badajos. (Remate News Team)