OFWs papapasukin na sa Taiwan sa Peb. 15

OFWs papapasukin na sa Taiwan sa Peb. 15

February 8, 2022 @ 7:00 PM 8 months ago


Manila, Philippines – Papapasukin na sa Taiwan ang mga overseas Filipino workers sa Taiwan, matapos ang ilang buwan na natigil ito dahil sa pandemya.

Ayon sa Philippine Overseas Labor Office, mas magiging mahigpit na ang requirements nito.

Partikular na rito ang dapat ay fully vaccinated, may negatibong RT-PCR test 48 oras bago ang flight at ang nararapat na bilang ng quarantine.

Pagdating naman sa Taiwan ay magsasagawa rin ng 14 day quarantine at 7-day health management.

“Tuloy-tuloy na siya pero depende pa rin sa availability ng quarantine facilities. Siyempre sobrang dami din po ng nakaabang na pumasok ngayon sa Taiwan ‘no. Although medyo lumuwag na sila dahil tapos na ‘yung Chinese New Year kaya nga sila nag-open up para sa migrants. Eh sa atin pa lang, ‘yung nasa pipeline natin mga 11,000 yun eh. May 5,000 tayo na readliy deployable,” ani Atty. Cesar Chavez na labor attache sa Taiwan.

“Actually that’s one thing that we will have to coordinate with our counterpart here in Taiwan, kung puwede nila i-consider ‘yung… accredited at saka hindi accredited ng WHO na vaccine. Mixed. So kung may Sputnik siya at ‘yung pangalawa ay accredited na baka puwede na ‘yung tanggapin, lalo na kung may booster,” dagdag pa nito.

Paalala naman ng Philippine Overseas Employment Administration sa mga mag-a-apply na ang RT-PCR maging ang quarantine ay sagutin ng recruitment agency at employer.

“Yung guidelines will contain the strict protocols that have to be observed by all agencies and the OFWs going to Taiwan. At nakalagay din po doon, na kapag hindi natin na-comply ‘yon, we risk the option to lose the market dahil puwede pong ipatigil ng Taiwan ‘yung acceptance ng ating OFW pag may nag-positive po at nakita nila na may violation on our part,” pahayag ni POEA Administrator Bernard Olalia.  RNT/FGDC