OFWs sa Saudi na ‘di pa bayad, ‘wag makipagtransaksyon sa middlemen-DMW

OFWs sa Saudi na ‘di pa bayad, ‘wag makipagtransaksyon sa middlemen-DMW

November 22, 2022 @ 9:45 AM 5 days ago


MANILA, Philippines – Nagbabala ang Department of Migrant Workers (DMW) sa mga overseas Filipino workers na hindi pa nababayaran ng kanilang mga employer sa Saudi Arabia na huwag makipagtransaksyon sa sinuman sa ahensya o mga nagpapanggap na ‘middlemen’.

Sinabi ni DMW Sec. Susan Ople sa isang press briefing na sila lamang ni Undersecretary Ham Leo Cacdac ang awtorisadong magkipagtransaksyon sa claimants.

“We would like to reach out to all the claimants and their families and inform them that, number one, walang middlemen dito . This is a purely government-to-government transaction and at the heart of it is ‘yung welfare ng ating affected displaced OFWs,” sabi ni Ople.

Ito ay makaraang makatanggap ng ulat ang DMW mula sa mga OFW claimants na may mga indibidwal na lumapit sa kanila na nag-aalok ng tulong at namamagitan.

Sinabi ni Ople na wala pang detalye kung paano  isasagawa ang pagbabayad kasunod ng bilateral talks  ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr. at ng Saudi Crown Prince Mohammed bin Salman sa ika-29th Asia-Pacific Economic Cooperation Summit sa Bangkok, Thailand noong Biyernes.

Nangako kasi ang Prinsipe ng Saudi na sasagutin ng kanilang gobyerno  ang wage claims ng nasa 10,000 displaced OFWs  matapos magdeklara ng bankruptcy ang ilang construction firm noong 2015 at 2016.

Paalala ni Ople, ireport sa DMW ang sinumang nagpapanggap na staff ng ahensya at nanghihingi ng contact details , ito man ay online o tawag upang maipagbigay alam naman sa cybercrime authorities.

Base sa rekord, mayroong  8,829 claimants mula  Saudi Oger at  3,454 mula naman sa Mohammad Al Mojil. Jocelyn Tabangcura-Domenden