‘Ogag’ tinarakan ng bareta sa leeg, grabe!

‘Ogag’ tinarakan ng bareta sa leeg, grabe!

March 28, 2022 @ 12:42 PM 3 months ago


MANILA, Philippines – Nasa malubhang kalagayan ang isang truck helper matapos tarakan ng bareta sa leeg ng kapwa truck helper nang mapuno na umano ang suspek sa pambu-bully sa kanya ng biktima sa Malabon City, kahapon ng madaling araw.

Si Christian Borja, alyas “Ogag”, 28, tubong Buhi, Camarines Sur ay isinugod ng kanyang mga katrabaho sa Ospital ng Malabon bago inilipat sa Tondo Medical Center kung saan ito ginagamot sanhi ng tinamong saksak sa leeg.

Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, nadakip naman ng rumespondeng mga tauhan ng Sub-Station-2 ang suspek na si Ruben Layosa, alyas “Potpot”, 34, tubong Brgy. Taisan, Daet, Camarines Norte at narekober sa kanya ang ginamit na bareta.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Mardelio Osting at P/Cpl. Renz Marlon Baniqued, bago ang insidente, nag-inuman ang biktima at ang suspek, kasama ang kanilang mga katrabaho sa loob ng trucking yard sa Goldendale Subdivision, Brgy. Tinajeros.

Bandang alas-3:45 ng madaling araw, habang naglalaro ng baraha ang biktima kasama ang kanyang mga katrabaho sa loob ng kanilang barracks nang biglang pumasok ang suspek na armado ng bareta at tinarakan sa leeg si Borja.

Kaagad namang inawat ng kanilang mga ka-trabaho ang suspek saka inagaw ang hawak nitong bareta bago mabilis na isinugod sa pinakamalapit na hospital ang biktima.

Sa pahayag ni Layosa sa pulisya, nagawa niya ang pananaksak sa biktima dahil napuno na umano siya sa ginagawang pambu-bully sa kanya ni Ogag. Boysan Buenaventura