Ogie, may pasabog sa biniling bahay ni Liza!

Ogie, may pasabog sa biniling bahay ni Liza!

March 2, 2023 @ 1:15 PM 3 weeks ago


Manila, Philippines – Sa kabila ng nilalaman ng vlog ni Liza Soberano, nilinaw ng dati niyang manager na si Ogie Diaz na hindi ito galit sa kanya.

Sa katunayan, “anak” pa rin ang tawag ni Ogie sa dating alaga.

Ito ang pinakahuling pinaksa ng online program niyang Ichika Mo Na Dali kasama sina Mama Loi at Ate Mrena.

Giit ni Ogie, ayaw niyang kontrahin ang lahat ng sinabi ni Liza sa 14-minute vlog nito, dahil base daw ‘yon sa kung ano ang alam ng aktres.

Kabilang doon ang ginamit nitong screen name na hindi naman daw siya ang pumili.

Noong una raw kasing dinala ni Ogie si Liza sa ABS-CBN ay Hope ang gamit nito.

Since walang gaanong dating ang pangalang Hope, kinuha nila ang Liza sa christened name ng aktres na Hope Elizabeth.

Naging Liza ang Elizabeth na sumang-ayon naman daw ang aktres.

Dagdag pa ni Ogie, walang katotohanang hindi nabigyan ng chance si Liza na masunod sa mga tinatanggap na proyekto.

Binanggit ni Ogie ang inoohan niyang pelikula na It’s Okay not to be Okay kasama ang nobyong si Enrique Gil.

Payo ni Ogie kay Liza na tanggapin ang naturang proyekto kahit wala na raw siyang makukubrang komisyon bilang manager.

Pero sa dinami-dami raw na ipini-pitch na ideya kay Liza, ni isa’y wala itong tinanggap.

Dumating na raw si Ogie sa puntong sinabi niya mismo kay Cory Vidanes na huwag nang mag-pitch pa ng project kay Liza.

Ani Ogie, maghihintay na lang daw sila until Liza herself would pitch a film material she wanted to do, na hindi naman daw nangyari.

Of the several points raised sa nasabing online show, rebelasyon ang binanggit na bahay na nabili ni Liza.

Nagpauna muna si Ogie na wala raw nakakaalam sa kuwentong inilapit niya sa ABS-CBN ang nais ni Liza na makapundar ng bahay.

Ang halagang 17.8 million na bahay ay mula sa advanced payment ng network para sa mga gagawing proyekto ni Liza.

Ani Ogie, ilang taon daw nilang binuno ang nasabing halaga na inaawas sa mga talent fees ni Liza.

“Ang maganda roon, hindi ‘yon tinubuan ng network. Imagine, we’re talking of P17.8 million nang walang interest,” sabi ni Ogie.

Sa bandang huli ng kanilang talakayan, Ogie clarified that he does not begrudge his former talent.

“Anak, hindi ako galit sa iyo. Ang masasabi ko lang, huwag mo namang burahin sa alaala mo ang mga taong naging bahagi ng buhay mo at naging daan kung bakit narating mo ang iyong kinalalagyan. Kasi, ang mga taong ito pa rin ang makakasalubong mo halimbawa pag bumalik ka na dito galing Amerika. Basta kung kailangan mo ako, nandito lang ako, anak,” pagtatapos ni Ogie. Ronnie Carrasco III