Ogie, pinalagan si Liza!

Ogie, pinalagan si Liza!

March 17, 2023 @ 7:45 AM 1 week ago


Manila, Philippines- Isa sa mga ipinagsesentimyento ni Liza Soberano sa dating manager na si Ogie Diaz ay ang ‘di pagpunta nito sa mga taping at commercial shoot ng aktres.

Isa ito sa pinaksa sa two-part interview ni Boy Abunda kay Liza.

Kagyat namang pumalag si Ogie para linawin ito.

“Pag sinasabing hindi pumupunta, hindi pumunta kahit minsan,” pagkokorek ni Ogie sa ginamit na pandiwa ni Liza sa kanyang rebelasyon.

Ani Ogie, hindi raw totoo ‘yon dahil umakyat pa siya ng Baguio kung saan nagte-taping si Liza ng teleseryeng Forevermore.

Noon namang ginagawa ni Liza ang Bagani ay pumupunta raw si Ogie sa location nito sa Bulacan.

“Nu’ng pumunta naman si Liza sa New York, sinamahan ko rin siya galing sa mismong bulsa ko,” giit pa niya.

Aminado naman si Ogie na hindi nga lang madalas ang pagpunta-punta niya sa mga commitments ni Liza.

Pero may road manager o RM naman daw na sumisipot on his behalf, na pinasasahod niya from his own pocket .

Gayunpaman, humingi ng paumanhin si Ogie kung na-offend o nasaktan man niya ang damdamin ng dating alaga.

Ikinalulungkot lang ni Ogie na umabot sa ganito ang aniya’y maayos naman nilang paghihiwalay ni Liza.

Samantala, pursigido si Liza na kumuha ng kanyang sariling tirahan sa Los Angeles para hindi mahirapang bumiyahe back and forth sa kanyang trabaho.

Kumokonsumo kasi siya ng tatlong oras para makasipot sa kanyang mga commitments. Ronnie Carrasco III