OIL COMPANIES DOBLE-KITA SA RUSSIA-UKRAINE WAR

OIL COMPANIES DOBLE-KITA SA RUSSIA-UKRAINE WAR

February 4, 2023 @ 1:57 AM 2 months ago


ALAM ba ninyo, mga brad, na mahigit doble kumpara sa mga nakalipas na bawat taon ang kinikita ng mga kompanya ng langis nang magkagiyera ang Russia at Ukraine?

Mismong sa mga ulat nila sa katapusan ng taon nakikita ang sobra-sobra nilang kita.
Ayon sa Shell na higit na pag-aari ng mga taga-European Union, kumita ito ng malinis na $39.9 bilyon nitong 2022 at sinabing ito ang pinakamalaking kita nito sa 115 taong pagkakatatag nito.

Kaya naman namahagi ito ng $6.3B para sa mga kapitalista nito o shareholder sa huling tatlong buwan ng 2022 at balak nitong bilhin ang pinagbebenta nitong sapi na $4B.

Ang oil giant na ExxonMobil na pag-aari ng mga Kano, kumita ng record na $55.7 bilyon nitong 2022 rin.

Ang Chevron-Caltex, $36.5B naman ang kinita at gusto nitong bilhin muli ang mga sapi na nabenta nito sa halagang $75B.

Ito namang BP na malaki rin, kumita ng $8.2B.

Ang ExxonMobil, Chevron-Caltex at BP, pawang mga kompanya ni Angkol Sam.

Sa kabuuan, mga brad, sinasabing humigit-kumulang sa $200B ang kinita ng mga kompanya ng langis na ito at iba pa.

Nakipagrambol ang mga ito sa mga miyembro ng Organization Petroleum Exporting Countries sa pagsuplay ng kailangan ng Europa na langis na sa nakarang mga taon ay nanggagaling sa Russia.

Ang tanong, paano kumita ang mga ito?

Siyempre sa pagpapataas ng presyo ng mga krudo na umabot sa $140 kada bariles, gayundin ang produktong petrolyo na gasolina, gaas, liquefied petroleum gas at iba pa.

Kung pag-uusapan ang Pilipinas, naririyan na ginagamit nila ang Oil Deregulation Law na nagbibigay sa kanila ng buong kapangyarihan na magtaas-baba ng presyo ng mga produktong petrolyo at alam na din ang nangyayari.

Mas marami at higit na malalaki ang presyong pataas nang pataas kaysa pababa nang pababa.
Kawawa ang Pinas.