Oil price hike, kasado sa Martes

Oil price hike, kasado sa Martes

March 6, 2023 @ 12:50 PM 3 weeks ago


MANILA, Philippines- Matapos ang pagpapatupad ng bawas-presyo sa mga produktong petrolyo nito lamang nakaraang linggo, muling bumawi ang mga kompanya ng langis sa bansa dahil magpapatupad ang mga ito ng oil price hike bukas.

Sa abiso ng mga kompanya ng langis sa bansa na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum, magpapatupad sila ng dagdag presyo na P0.40 sa kada litro ng gasolina, P1.50 sa kada litro ng diesel, at P1.25 sa kada litro naman ng kerosene epektibo alas-6 bukas ng umaga.

May dagdag presyo din sa mga produktong petrolyo sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na magiging epektibo alas-12:01 ng madaling araw at CleanFuel na magiging epektibo alas-4:01 bukas ng hapon.

Ang ipapatupad na dagdag presyo sa mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang Martes ay nagpatupad ng bawas sa mga presyo ng produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa na P0.70 sa kada litro ng gasolina, P1.30 sa kada litro ng diesel, at P1.80 sa kada litro naman ng kerosene. JAY Reyes