Oil price rollback kasado bukas, Martes

Oil price rollback kasado bukas, Martes

August 15, 2022 @ 12:37 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Sa ikapitong sunod na linggo, muling magpapatupad ng bawas presyo sa mga produktong petrolyo ang mga kompanya ng langis sa bansa epektibo bukas.

Batay sa inilabas na abiso ng mga kompanya ng langis na pinangunahan ng Pilipinas Shell, Petron Corporation, Seaoil, PTT Philippines, Total Philippines, Unioil, Petro Gazz at Phoenix Petroleum magpapatupad ng bawas presyo na P1.05 sa kada litro ng diesel, P0.45 sa kada litro ng kerosene at katiting na bawas presyo na P0.10 sa kada litro ng gasolina epektibo alas-6 ng umaga.

Magpapatupad din ng oil price rollback sa kahalintulad na halaga ang kompanyang Caltex (CPI) na naging epektibo alas-12:01 ng madaling araw habang ang kompanyang Cleanfuel ay magiging epektibo alas-8:01 ng umaga.

Ang ipatutupad na bawas sa presyo ng mga produktong petrolyo ay bunsod sa patuloy na paggalaw ng presyuhan nito sa pandaigdigang merkado.

Matatandaan na nito lamang nakaraang linggo ay nagpatupad ng malakihang bawas presyo na P2.10 sa kada litro ng gasoline, P2.20 sa kada litro ng diesel at P2.55 sa kada litro ng kerosene. JAY Reyes