Oil spill cleanup aabot ng 1 taon

Oil spill cleanup aabot ng 1 taon

March 8, 2023 @ 10:44 AM 3 weeks ago


MANILA, Philippines – Tinataya ng isang eksperto na aabutin ng anim na buwan hanggang 1 taon para malinis ang oil spill sa Oriental Mindoro, ayon kay Pola town Mayor Jennifer Cruz noong Miyerkoles.

“Ang sabi ng expert na dumating kahapon six to one year bago talaga malinis. Estimate pa lang nila pero hindi nila alam kung gaano katagal talaga,” anang alkalde sa isang interbyu.

“Hindi nila alam kung ano ang isasagot sa amin kahit sila ang expert kasi makapit talaga ang oil na pumunta parang asphalt na sobrang baho, dikit na sa bato sumasama siya doon sa ating mga buhangin,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Cruz na tumaas na mula sa 18 ang bilang ng mga taong nagkaroon ng respiratory illnesses dahil sa oil spill.

“Yung 18 na report kahapon nadagdagan na yun kasi lahat sila pare-parehas ang complain, sumasakit ang ulo, ang tiyan, nahihilo, sobrang sakit sa dibdib, lumalala yung ubo at sipon, ganun ka-grabe,” dagdag pa ng alkalde.

Nauna nang sinabi ni Department of Health (DOH) officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na ang ahensya ay nakikipag-ugnayan sa mga lokal na yunit upang magbalangkas ng mga alituntunin para sa isang mas malinaw na balangkas, na hinihimok ang mga residente na magsuot ng face mask sa ngayon.

“We are going to draft guidelines para ma-guide natin ang mga lokal na pamahalaan para naaangkop lahat ng sinusuot ng komunidad,” ani Vergeire sa pagbisita sa komunidad sa Negros Oriental. RNT