Oil spill sa kalsada sa Maynila, naka-disgrasya

Oil spill sa kalsada sa Maynila, naka-disgrasya

February 20, 2023 @ 7:17 PM 1 month ago


MANILA, Philippines – Nagdulot ng aksidente ang nangyaring oil spill sa kahabaan ng kalsada sa Osmena highway, San Andres, Manila nitong Lunes ng umaga, Pebrero 20.

Ilang sasakyan na ang nasangkot sa aksidente kung saan may mga rider din ang nag-slide dahil madulas ang kalsada dulot ng tumapon na langis.

Agad namang nakaresponde ang fire truck upang bombahin ng tubig ang langis habang ang mga dumaraang motorista ay pinayuhang magdoble ingat at magdahan-dahan sa pagpapatakbo upang maiwasan ang disgrasya.

Katuwang ng mga bumbero sa paglilinis ng tumapon na langis ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO).

Sa inisyal na impormasyon, tumagas ang langis ng isang sasakyan na dumaan sa lugar at nagkalat sa kalsada ng ilang metro dahilan para maaksidente naman ang kasunod na sasakyan at motorsiklo.

Agad naman umanong naitabi sa gilid ng kalsada ang sasakyan na tumagas ang langis ngunit nagdulot pa rin ng kapahamakan sa ibang motorista kung saan isang pasahero ng isang motorsiklo umano ang sugatan.

Nagdulot din ng bahagyang pagbagal ng daloy ng trapiko sa lugar dahil na rin sa insidente.

Dinala na ang mga sangkot na sasakyan sa Manila Traffic Enforcement Unit para sa karagdagang imbestigasyon sa nangyari. Jocelyn Tabangcura-Domenden