Oil tanker sa Mindoro tuluyan nang lumubog

Oil tanker sa Mindoro tuluyan nang lumubog

March 2, 2023 @ 7:39 AM 4 weeks ago


MANILA, Philippines – Tuluyan nang lumubog ang oil tanker na naglalaman ng 800,000 litro ng industrial fuel oil sa dagat na sakop ng Naujan, Oriental Mindoro.

Bago rito, nagdulot na ng oil spill sa bisinidad ang napuruhang tanker na
MT Princess Empress, na may habang anim na kilometro at lapad na apat na kilometro.

Inaalam pa ng mga awtoridad kung ang oil spill ay bahagi ba ng langis na karga ng naturang tanker.

“Malalaman natin yan within the day base sa resulta ng water sampling na ginawa ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at Coast Guard,” ani PCG spokesman Rear Admiral Armando Balilo.

Sa kanilang pagtaya, natukoy ang pinagmumulan ng oil spill nasa 7.4 nautical miles timog-kanluran ng Balangwan Point, Naujan Oriental Mindoro.

Nagsimula na itong kolektahin ng mga awtoridad bandang alas-2 ng hapon nitong Miyerkules, Marso 1.

Nagpakalat na rin ang Coast Guard ng mga divers at marine experts para tumulong kasabay ng paglalagay ng oil spill bloom para mapigilan ang lalo pang pagkalat nito.

“Ito’y unprocessed and unfiltered so it would really affect the marine environment lalo na yung ecosystem ng dagat at maaaring maapektuhan din yung nasa shoreline pagka ito ay tumagas,” ani Balilo.

Samantala, iniulat ng PCG na lumubog sa lalim na 460 metro ang naturang tanker.

“Yung pressure sa ilalim, maaaring maapektuhan nga integrity ng barko. Maaaring pwedeng bumuka yung halimbawa yung mga compartment ng barko at doon na magsimula ang tagas,” sinabi pa ni Balilo.

Iniimbestigahan na ng mga awtoridad ang sanhi ng paglubog ng oil tanker.

“Pag-may negligence after ng investigation may liability pero kung force majeure naman at napatunayan na wala silang pagkukulang at nag ingat naman sila at tanging yung weather lang nakaapekto then walang liability,” aniya.

Samantala, nasagip naman ang 20 crew members ng naturang barko, ng isang international cargo vessel na MV Efes na nadala na sa ligtas na lugar sa Subic, Zambales nito namang Martes.

Agad na nalapatan ang mga ito ng paunang lunas sa ospital. RNT/JGC