‘OK sa DepEd’, inilunsad sa Navotas

‘OK sa DepEd’, inilunsad sa Navotas

July 26, 2018 @ 4:26 PM 5 years ago


Navotas – Pinangunahan mismo ni Navotas Mayor John Rey Tiangco, kasama ang mga opisyal ng Navotas Schools Division Office, ang paglunsad ng Oplan Kalusugan sa Department of Education (OK sa DepEd) nitong Lunes.

Ang nasabing programa ay nakatuon sa School-Based Feeding Program, National Drug Education Program, Adolescent Reproductive Health Education, Water, Sanitation, and Hygiene in Schools, at medical, dental, at nursing services.

Sa kanyang talumpati, binigyang-diin Ng alkade ang kahalagahan ng pagkakaroon ng malusog na pamumuhay.

“Taon-taon, sinisikap ng ating pamahalaang lungsod na paunlarin ang mga serbisyong pangkalusugan na ibinibigay ng ating mga health centers at ng Navotas City Hospital. Ngunit, ang pagkakaroon ng mga pasilidad at imprastruktura na ito ay hindi nangangahulugan na pwede na tayong maging pabaya sa ating kalusugan,” paalala ni Tiangco.

“Mahalagang alagaan natin ang ating sarili at panatilihin natin ang malusog na pamumuhay. Sa pamamagitan nito, masisiguro nating parati tayong aktibo at produktibo,” dagdag niya.

Binanggit rin ni Tiangco ang plano ng pamahalaang lungsod na isara ang kalahati sa R10 Bridge tuwing Linggo para magkaroon ng ligtas na espasyo ang mga Navoteño para tumakbo o mag-bike, o ang mga pamilya na mag-bonding.

“Hangad natin na magsaya ang mga Navoteño ang araw ng Linggo bilang family o sports day,” sabi niya.

Noong nakaraang taon, kinilala ng pamahalaang lungsod ang Navotas Centennial Park bilang family zone nito.

Ang parke ay katabi ng R10 Bridge at nagsisilbing lunan ng zumba sessions tuwing Sabado at Linggo. (Roger Panizal)

 

Pinangunahan ni Navotas Mayo John Rey Tiangco kasama ang mga opisyal ng Navotas School Divission Office ang pag cutting ribbon biling paglunsand ng programang “Oplan Kalusugan sa Department of Education” (OK sa DepEd) nitong Lunes. Kuha ni Jojo Rabulan