Okt. 31, special non-working holiday-PBBM

Okt. 31, special non-working holiday-PBBM

October 18, 2022 @ 12:00 PM 2 months ago


MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Malakanyang na tinintahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang proklamasyon na naglalayong ideklarang special non-working holiday ang Oktubre 31, 2022, isang araw bago ang Araw ng Undas.

Ang katuwiran ni OPS Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Atty. Cheloy Velicaria-Garafil, layon ng nasabing proklamasyon na mabigyan ng mas maraming oras na kasama  ang pamilya at i-promote ang local tourism.

Sa kabilang dako, nagtakda ang pamunuan ng Manila North at South Cemetery ng COVID-19 health protocol para sa Undas.

Ayon kay Manila South Cemetery OIC Manny Juan, inatasan ang publiko na magsuot ng face mask dahil walang social distancing sa pagpasok at paglabas ng sementeryo.

Pinapayagan pumasok sa sementeryo ang mga batang bakunado na may edad 12 pababa, habang ang senior citizen naman ay papayagan kahit hindi nababakunahan.

Bukas ang Manila North at South Cemetery mula alas-5 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon simula October 29 hanggang November 2.

Samantala, sa October 25 naman ang huling araw para sa paglilinis ng mga lapida sa sementeryo. Kris Jose