Olongapo City, isinailalim na rin sa state of calamity

Olongapo City, isinailalim na rin sa state of calamity

July 24, 2018 @ 3:21 PM 5 years ago


Olongapo City – Sa kabila ng paghupa ng lagpas-taong lalim ng tubig baha sa Olongapo City bunsod ng tuloy-tuloy na pagbuhos ng malakas na pag-uulan dala ng hagupit ng Habagat sa nakalipas na mga araw ay isinailalim na rin sa State of Calamity ang lungsod.

Ayon kay Mayor Rolen Paulino, nalubog sa baha ang 60% ng lungsod. Katumbas nito ang 16 sa 17 barangay ang apektado.

Bunsod nito ay nananatili parin sa ilang mga evacuation centers ang 183 pamilya o 570 indibidwal na karamihan ay nakatira malapit sa ilog na pumapalibot sa siyudad at maging sa mga mabababang lugar.

Kasalukuyan rin na nagsasagawa ng malawakang cleaning operations ang lokal na pamahalaan ng Olongapo para linisin ang mga kalsada at mga kabahayan na pinasok ng baha at kalaunay mga makapal na putik ang naiwan.

Nanawagan rin si Paulino sa mga kinauukulan particular sa DPWH at sa national government na matulungan sila para maibalik sa normal ang lungsod mula sa trahedya dahil kapos umano sila sa pondo ng P200 milyon para sa rehabilitasyon. (Jeff Gallos)

Ang aerial view ng Olongapo City na nilubog sa baha bunsod ng walang patid na pagbuhos ng malalakas na pag-uulan dala ng bagsik ng habagat. (Photo courtesy: Billy Mostajo)