Olympic-bound boxer Marcial sibak sa semis ng ASBC; lagapak sa bronze

Olympic-bound boxer Marcial sibak sa semis ng ASBC; lagapak sa bronze

May 30, 2021 @ 8:47 AM 2 years ago


DUBAI – Napahiya  si Olympic-bound at pro-fighter Eumir Marcial sa semifinal bout nito kontra kay Jafarov Daidjamshid ng Uzbekistan dahilan para malugmok ang pambato ng Pilipinas sa bronze medal sa ginaganap na ASBC Elite Men’s and Women’s Boxing Championships sa Dubai.

Hindi man lamang nakaporma at nakaiskor ang top seeded na si Marcial sa middleweight division na 75 kg matapos itong matalo sa iskor na 5-0 sa labang sumiklab sa grand ballroom ng Le Meridien Hotel.

Sa tatlong Pinoy fighter, naging kahiya-hiya ang pagsagupa ng 25-year-old na si Marcial dahil siya ang inaasahang fighter ng Pinas na makago-gold sa pre-Olympic tournament lalo pa at isa na itong pro-fighter na dumaan sa matinding pagsasanay sa kamay ni Hall of Fame coach Freddie Roach.

Ang semifinal fight ni Marcial ay ang tangi nitong laban sa nasabing tournament matapos umatras ang kalaban nito sa quarterfinals dahil sa injury.

Hindi naging maganda ang kampanya ng Pilipinas sa nasabing torneo matapos masilat ang dalawa pang Pinoy fighter sa naunang laban na sina Mark Lester Durens at Junmilardo Ogayre na nalaglag din sa semifinal bouts sa kani-kanilang division sa nakapanlulumo ring iskor na 5-0.

Taob si Durens kontra kay Daniyal Sabit ng Kazakhstan sa iskor na 5-0 habang si Ogayre ay dinurog ni top seed Mirazizbek Mirzahalilov ng Uzbekistan sa iskor ding 5-0.

Dahil sa bigong kampanya, uuwi ang team na pinamunuan nina Barcelona Olympics bronze medalist Roel Velasco, Joegin Ladon at Asian Women’s Boxing Championships gold winner Mitchel Martinez ng may kabuuang apat na bronze medal, ang isa ay mula kay former world champion Josie Gabuco. Rico Navarro