OMB: MAG-INGAT SA PAGBILI NG PEKENG GADGET

OMB: MAG-INGAT SA PAGBILI NG PEKENG GADGET

October 18, 2020 @ 12:10 AM 2 weeks ago

  •  
  •  
  •  

PARA sa mga mamamayan na mahilig bumili ng mumurahing iba’t ibang uri ng gadget gaya ng mga computer at iba pa dahil kailangan na kailangan ito ng mga estudyante kaugnay ng online classes, mangyari na mag-ingat sa kanilang pagbili upang hindi sila matanso o maloko.

Kamakailan lang ay nag-anunsyo si Optical Media Board (OMB) Chairman Atty. Christian “Agila” Natividad sa lahat po ng mga bumibili ng computers na kailangan sa ngayon ng mga estudyante dahil sa online classes na huwag daw basta maniwalang brand-new ang binibiling gadget.

Suriin ninyong mabuti bago kayo bumili baka hindi ninyo alam napekinis kayo o ‘peke’ ang nabili ninyo kundi man ay ‘recycled’ lang na unit, ayon kay Atty. Agila.

Kamakailan lang kasi, nakasamsam ang mga tauhan ng OMB ng milyon-milyong halaga ng CPUs, laptops at computer accessories na halos lahat ay smuggled na galing po sa Japan at China na ngayon ay nasa labas at kasalukuyang ibinebenta sa iba’t ibang merkado.

Si Atty. Agila na mismo ang nanguna at kasama niya ang OMB agents sa paglusob sa isang warehouse sa loob ng 3M Compound sa Brgy. Sta. Rosa II, Marilao, Bulacan na kung saan ay hindi na nakakilos ang sindikato dahil sa biglaang pagsalakay ng grupo ni Agila.

Aba’y, mantakin ninyo, hindi bababa sa P200M ang nasamsam nina Atty. Agila sa loob ng depot.

Natambad ang sangkatutak na ni-recycle na laptops at desktop computers na pawang dinodoktor ang laman at softwares para maging mukhang bago at magmukhang garantisado nga naman sa paningin ng mga nakabili at bumibili nito.

Kasabay nito, binalaan din ni Atty. Agila, lalo na ‘yung mga foreigner na utak ng mga peke na mga ibinibentang gadget, na kanyang ikukulong ang mga ito at kukumpiskahin ang kanilang mga epektos hanggang sa pinakamaliit na microchips at processor na ginagamit ng mga ito sa pamemeke ng computers at bumibiktima sa mga inosenteng mamimili.

Ayon kay Agila, ito na ang pinakamalaking raid na isinagawa sa 17 years na kasaysayan ng ahensya mula nang maitatag ito na dating kilalang Videogram Regulatory Board na pinangunahan na rin nina Sen. Bong Revilla, Edu Manzano at Ronnie Ricketts bilang mga chairman.

Ibinunyag din ni Agila na ang warehouse ng sindikato ay kumpleto sa paraphernalia sa mga kagamitan sa pamemeke.

Kumbaga sa katayan ng piyesa ng kotse o sasakyan, ito ‘yung tinatawag na Banaue sa QC at sa Kapalangan sa Apalit, Pampanga.

Take note, para roon sa isang inosenteng buyer, hindi ninyo mahahalata ang pagkakaiba ng original at pekeng gadget dahil ang ultimong motherboard, processor, operating system at pati bag ay napepeke na gaya ng mga kilalang tatak na HP, Acer, Toshiba, Fujitsu, Apple at ipa ba, ayon na rin kay Atty. Agila.

Pero huwag kayong mag-alala at umasa kayo na ngayon pa lang ay sasampahan na ni Atty. Agila ang may-ari ng warehouse nito ng violation of Republic Act 9239 o Optical Media Act of 2003.

Ewan ko na lang, mga tsong, kung hindi pa madala ang mga impaktong ‘yan sa mga ginagawa nilang panloloko sa mga kababayan nating Filipino.

Anak ng…isa-isang tsinatsap-tsap ang mga original na piyesa ng mga gadget at palitan ng mga pipitsuging piyesa.

Hindi na sila nahiya sa kanilang panloloko.

oOo

Anomang puna o reklamo, i-text sa 09189274764,09266719269 o i-mail sa juandesabog@yahoo.com o juandesabog48@gmail.com.


  •  
  •  
  •  

Loading...