Ombudsman, binitin ang utos ng Malacañang

Ombudsman, binitin ang utos ng Malacañang

August 6, 2018 @ 4:04 PM 5 years ago


 

Manila, Philippines – Hindi muna ipatutupad ni Ombudsman Samuel Martires ang dismissal order na ipinataw ng Malacañang kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang kung saan bibigyan pa ito ng 15 araw para maghain ng Motion for Reconsideration.

Sa budget hearing sa Kamara kung saan sumalang ang Office of the Ombudsman sinabi ni Martires na may pagkakataon pa si Carandang na iapela sa pamamagitan ng paghahain ng motion for reconsideration ang kanyang dismissal order subalit kung hindi uubra at hindi kinatigan ang kanyang apela ay wala nang ibang opsyon kundi ipatupad ito.

Ayon kay Martires dapat bigyan ng pagkakataon si Carandang na iapela ang kautusan laban sa kanya kung saan isinantabi nito ang nauna nang pahayag at pamimilit ni Presidential Spokesman Harry Roque na kailangan ng agarang ipatupad ang kautusan ng Malacañang.

Ani Martires, tagapagsalita naman ng Pangulong Rodrigo Duterte si Roque kaya maaari itong magsalita nang magsalita ukol sa usapin subalit ang pagpapasya ay kailangang hintayin mula sa Ombudsman.

Sa pagtatanong ng mga kongresista kay Martires, muli nitong tiniyak na mananatili siyang independent at hindi magpapadala sa pressure mula sa mga nakatataas sa kanya, aniya, mula nang naging hukom siya ay patas ang pagtrato niya sa akusado at nagrereklamo kaya walang dahilan para baguhin niya ito.

Aminado si Martires na mahirap ang trabaho sa Office of the Ombudsman dahil malaki ang problema sa katiwalian sa bansa subalit desidido niya itong tutukan sa pamamagitan ng pagpapatupad ng pagbabago sa ilalim ng kanyang pamumuno.

Kabilang dito ang pagpapaiksi sa period of preliminary investigation ng mga nagrereklamo sa loob ng 90 araw upang mapabilis ang pagresolba sa hawak na kaso gayundin ang pag-dismiss sa lahat ng pending complaints na mahigit 1 taon nang sumasailalim sa fact finding investigation. (Gail Mendoza)