OMBUDSMAN , HINDI KUMIKILALA SA FOI

OMBUDSMAN , HINDI KUMIKILALA SA FOI

October 14, 2022 @ 1:46 AM 2 months ago


SA patuloy na pagsipa nang tinatawag na housing backlogs,angkop lang na kumilos ang gobyerno. Ang mga pamilyang walang sariling tahanan ay dapat bigyang prayoridad sa mga programa ng pamahalaan.
Pangako ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., 6.5 million housing backlogs ang pupunuan bago matapos ang kanyang termino.

Subalit may agam-agam ang mga maralita dahil hindi busilak ang rekord ng ilan sa appointees ni Pangulong Marcos kabilang na ang isang alyas Pedring Laksa.

Sa kanyang panunungkulan sa Technology and Livelihood Research Center naganap ang bulilyaso dahil isang kumpas lang nitong si Laksa ay nagawa ng isang kompanyang nakabase sa Pampanga na makautang ng P37.6 milyon gamit bilang prenda sa pamahalaan ang isang lupang makikita tuwing tag-araw.

Bahagi pala ng karagatan ang tinanggap na kolateral ng ahensyang pinamumunuan ni Laksa.
Nang kasuhan sa Office of the Ombudsman, natengga ang asunto hanggang sa mabaon sa limot dahil sa paglipas ng panahon at ang masaklap, nang hingiin ng inyong lingkod.

Ang masaklap, nang tangkain humingi ng rekord ang inyong lingkod sa tanggapan ng Ombudsman, aba! Masakit, tablado ako.

Anila, ang pwede lang makasilip ng rekord ay ang nagdemanda o di naman kaya ay ang idinemanda! Aysus, sa kabila pala ng Executive Order No. 2 (Freedom of Information) ay wala pa rin palang karapatan ang mga mamamayang nagpapasahod sa kanila na makakuha ng detalye.

Sa madaling salita, hindi nila kinikilala ang FOI. Sa ilalim ng EO 3, binibigyang pahintulot ang bawat mamamayang Filipino na makakuha ng impormasyon o sipi ng mga transaksyon ng gobyerno.

Ano pa ang meron si Pedring Laksa? Bukod sa TLRC, nagkalat din pala ng lagim si Pedring Laksa sa National Housing Authority.

At heto pa, target niya ngayon ang pondo ng isa pang ahensya sa ilalim ng Department of Human Settlement and Urban Development.

Dapat malaman ni PBBM na ang kanyang itinalaga ay may malalim na sekreto at pinoproteksyunan ng Ombudsman. Abangan ang iba pang ibubuking ng inyong lingkod laban kay Laksa.