Ombudsman magkakasa ng imbestigasyon sa DA officials sa pagbili ng sibuyas

Ombudsman magkakasa ng imbestigasyon sa DA officials sa pagbili ng sibuyas

January 10, 2023 @ 1:52 PM 2 weeks ago


MANILA, Philippines- Magkakasa ng imbestigasyon ang Office of the Ombudsman sa mga opisyal ng Department of Agriculture (DA) at Food Terminal Incorporated (FTI) sa pagbili nito ng sibuyas na nagkakahalaga ng P500 kada kilo.

Ayon sa ulat, bubusisiin ng Ombudsman ang DA at ang pagbili ng FTI ng sibuyas na nagkakahalaga ng P537 kada kilo mula sa Bonena Multipurpose Cooperative.

Inihayag ni Ombudsman Samuel Martires na aabisuhan ang mga opisyal ng DA at FTI. Si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nakaupong kalihim ng DA.

Kailangang ipaliwang ng mga opisyal ang rason sa likod ng pagbili ng sibuyas sa naturang presyo samantalang nakakabili ng si sibuyas sa mga tindahan ng Kadiwa sa halagang P170 kada kilo.

Sinabi ni DA spokesperson Rex Estoperez nitong Lunes na tinitingnan ng ahensya ang price manipulation bilang isa sa mga dahilan ng mataas na halaga ng sibuyas sa mga pampublikong pamilihan.

Ayon naman kay Senador Cynthia Villar nitong Lunes, maaaring isang kartel ang nasa likod ng mataas na presyo ng mga sibuyas sa mga lokal na pamilihan, at binanggit ang pagsisiyasat noong 2013 kung saan napag-alaman na mayroong kartel ng sibuyas na may kumpletong kontrol sa suplay sa bansa.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo sa mga pampublikong pamilihan, inirekomenda ng DA noong Sabado ang pag-angkat ng 22,000 metrikong tonelada ng sibuyas. RNT/SA