Omicron ‘di nalalayo sa ibang COVID variants, posibleng mas mahina – WHO, US scientists

Omicron ‘di nalalayo sa ibang COVID variants, posibleng mas mahina – WHO, US scientists

December 9, 2021 @ 8:09 AM 2 months ago


GENEVA – Lumalabas na hindi ganoon kadelikado o nalalayo ang Omicron variant sa iba pang coronavirus strains, ayon ito sa top scientists mula sa World Health Organization at United States.

Ang nasabing pag-aanalisa ay bunsod ng muling pag-aalala ng buong mundo laban sa nasabing variant of concern matapos na kaliwa’t kanang muli ang pagpapatupad ng border restrictions.

Sinabi ni WHO emergencies director Michael Ryan na kahit mas nakahahawa ang Omicron kumpara sa ibang naunang variant, sinisiguro niyang gagana naman ang mga kasalukuyang bakuna laban dito.

“The preliminary data doesn’t indicate that this is more severe. In fact, if anything, the direction is towards less severity,” ani Ryan sa isang interbyu ng AFP.

Sa kabila nito, iginiit niya ang kahalagahan ng mas marami pang pag-aaral ukol sa variant para mas masukat ang lala na pwedeng maidulot nito.

Iginiit din ni Ryan, walang ebidensyang nakapagsasabi na kaya ng Omicron na lagpasan ang proteksyong ibinibigay na ng mga COVID-19 vaccine.

Pero kinilala rin ni Ryan ang posibilidad na maaaring mapababa nga ng Omicron ang bisa ng mga bakuna.

“We have highly effective vaccines that have proved effective against all the variants so far, in terms of severe disease and hospitalization… There’s no reason to expect that it wouldn’t be so” aniya pa.

Samantala, kapareho naman ni top US scientist Anthony Fauci ang naging pananaw ng WHO kung saan sinabi niya na hindi ganoon kalala ang Omicron kumpara sa mga nauna nang variant, at posible ngang mas mahina pa ito.

“It almost certainly is not more severe than Delta,” ani Fauci. “There is some suggestion that it might even be less severe.” RNT