OMICRON: MAG-INGAT PERO ‘WAG MAG-PANIC

OMICRON: MAG-INGAT PERO ‘WAG MAG-PANIC

January 4, 2022 @ 5:00 PM 7 months ago


Muli na namang dumarami ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

Ayon kay Dra. Minguita Padilla, kandidatong senador ng Partido Reporma, posibleng ang Omicron variant na ang kumakalat sa mga komunidad ngunit. 

Ngunit sinabi ni doktora na hindi aniya ito dahilan upang mag-panic ang publiko.

Dumarami aniya ang nagpapa-test sa mga ospital para sa COVID, mabuti na lang at karamihan sa mga ito ay nakararanas lamang ng mild symptoms, at ang iba ay asymptomatic pa. 

Sinabi ni Padilla na may nakausap siyang mga doktor sa isang malaking pribadong ospital sa Maynila kung saan 45 na indibidwal ang nag-positibo sa COVID, ngunit tatlo lamang ang may simptomas na kinailangang ma-admit bilang pasyente.

Kaya idiniin niya na malaking bagay ang pagbabakuna ng marami sa NCR. Kung marami pa ang naoospital ngayon, iyon ay ang mga maaaring hindi pa nababakunahan.

Kung pagbasehan ang surge sa South Africa, asahan na talagang tataas ang mga kaso in 4 weeks, pero bababa rin agad ito matapos ang dalawang linggo.

Sang-ayon si Dra. Padilla sa panukalang limitahan ang paglabas ng mga hindi pa nababakunahan.

‘Yung mga hindi pa bakunado aniya ang delikado sa panibagong surge na ito sa pagsasabing malaki ang tsansa na sa kanila manggaling ang iba pang mga variants ng COVID-19, at posibleng ilan sa mga variants na ito ay mas nakahahawa o posibleng mas nakamamatay pa sa Omicron.

Hinimok ni Padilla ang Food and Drug Administration (FDA) na aprubahan ang home testing sa pamamagitan ng mga validated and accredited antigen test kits, lalo’t karamihan naman ay mildly symptomatic o asymptomatic. Sakaling mag-positibo ang mga ito, maaari na lamang silang mag-isolate sa kani-kanilang bahay upang maiwasan ang pagpuno ng mga ospital.

Maaaring ma-distribute ang mga antigen test kits sa mga barangay at gawin nang libre, ani Padilla.

‘Yung mga may simptomas na nag-positive sa antigen test, hindi na kailangan ng RT-PCR. Confirmed na iyan. Yung mga asymptomatic na may exposure at mga may simptomas na nag-negative sa antigen ay maaaring magpa RT-PCR para makasigurado.

Para naan sa mga ospital, dagdagan ang kanilang online consultations dahil karamihan sa mga bagong kaso ay may mild symptoms lamang. Ito ay upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga pagamutan.

Naniniwala si Padilla na hindi na ganun kahalaga ang pagtutok sa number of infections. Mas mainam aniya na matutukan ang dami ng mga naoospital. Ganito na aniya ang ginagawa ng ibang bansa gaya ng Singapore.

Pwede pa rin tayong mamuhay nang normal kahit may COVID, kailangan lang talaga magpabakuna at maging responsable sa ating mga pagkilos. Maghugas ng kamay, magsuot ng maskara sa mga pampublikong lugar, at iwasan ang paglabas kung may simptomas.#