Omicron mas mabilis makahawa kaysa Delta; bisa ng COVID vax napahihina – WHO

Omicron mas mabilis makahawa kaysa Delta; bisa ng COVID vax napahihina – WHO

December 13, 2021 @ 7:55 AM 10 months ago


GENEVA, Switzerland – Mas mabilis makahawa ang Omicron coronavirus variant kaysa sa Delta strain; at pinahihina rin nito ang bisa ng COVID-19 vaccine, ayon sa World Health Organization.

Sa kabilang banda, tila magandang balita naman na kahit ganito ang epekto ng Omicron ay hindi naman ito nakapagdudulot ng malalang sintomas base sa paunang datos, dagdag pa ng WHO.

Matatandaang muling nagulantang ang mundo sa Delta variant na naging dahilan ng pagtaas ng nasawi sa India.

Pero nitong Nobyembre nang ma-detect sa South Africa ang Omicron variant na sinasabing mayroong ilang ulit na mutation, at naging dahilan ng muling pagtataas ng border restriction ng iba’t ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.

Sa tala ng WHO, kumalat na ang Omicron variant sa 63 bansa hanggang Disyembre 9. Naging mabilis ang pagkalat nito sa South Africa at Britain.

Giit ng WHO, base sa paunang mga ebidensya, ang Omicron ay nakapagdudulot ng “reduction in vaccine efficacy against infection and transmission”

“Given the current available data, it is likely that Omicron will outpace the Delta variant where community transmission occurs,” dagdag pa ng WHO sa isang technical brief.

Hanggang sa ngayon, ang Omicron ay nakapagdudulot ng “mild” illness o asymptomatic cases, pero iginiit ng WHO na kulang pa ang datos ukol sa nasabing variant.

Sa kasalukuya ay wala pang nade-detect ang Pilipinas na Omicron COVID-19 variant case, ayon sa Department of Health. RNT