Omicron nagdudulot ng mild COVID, ayon sa mas maraming ebidensya- Duque

Omicron nagdudulot ng mild COVID, ayon sa mas maraming ebidensya- Duque

December 7, 2021 @ 12:36 PM 10 months ago


MANILA, Philippines- Sinabi ng Department of Health (DOH) na ayon sa ebidensya, nagdudulot lamang umano ang Omicron, itinuturing na variant of concern, ng mild coronavirus disease (COVID-19) sa mga pasyente.

Base sa ulat ni Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte nitong Lunes, nakikipag-ugnayan na umano siya kay World Health Organization country representative Dr. Rabi Abeyasinghe.

“Sinabi niya three things; number one lumalabas ho na mukhang dumadami ang ebidensya na mild ang Omicron, which is good for all of us,” pahayag ni Duque.

“Number two, wala pa pong reported death on account of Omicron variant. Okay po ‘yan,” dagdag pa niya.

Nitong Disyembre 5, sinabi ng DOH na 42 bansa o hurisdiksyon sa buong mundo ang nakapag-ulat ng 532 kaso ng Omicron variant.

Samantala, sinabi ni Duque na ang variant, na may hindi bababa sa 50 mutations, ay maaaring mas nakahahawa.

“Although kanina sinabi ni Fr. Austriaco ang posibilidad na ito nga mas mabilis makahawa, tama po ‘yun, but to what extent, wala pong datos na malinaw o conclusive para masiguro na talagang ito ay mas transmissible,” paliwanag niya.

“It probably is as Fr. Austriaco said, but to what degree nobody knows as of yet. In fact, even the reproductive rate of the Omicron variant continues to elude,” patuloy pa ng Health Secretary. RNT/SA