Omicron posibleng galing sa daga – Chinese scientists

Omicron posibleng galing sa daga – Chinese scientists

February 7, 2022 @ 11:07 AM 8 months ago


Beijing – Pinalakas pa ng isang bagong pag-aaral sa Tsina ang teorya na ang Omicron variant ng coronavirus ay maaaring nagmula sa mga daga.

Sa nasabing pag-aaral, mayroong malakas na katibayan na ang virus ay dumaan mula sa mga tao patungo sa mga daga at matapos na dumaas sa maraming mutasyon ay nakahawa muli sa tao.

Sinabi ng pag-aaral na ang variant ng Omicron ay naglalaman ng mga mutasyon na bihirang makita sa mga klinikal na sample mula sa mga naunang pasyente at hindi rin natagpuan sa anomang intermediate evolutionary branch ng iba pang mga variant.

Sa kabilang banda, ang limang mutasyon ng variant ng Omicron ay natuklasang pareho sa isang natagpuan sa mga sample ng mouse lung, ayon sa papel na inilathala sa Journal of Biosafety and Biosecurity.

Ang pinagmulan ng Omicron ay nananatiling hindi malaman dahil sa higit 50 mutations ng nasabing variant, kung saan ang mayorya nito ay hindi naman natagpuan sa iba pang mga naunang variant.

Maraming mga siyentipiko ang sumang-ayon na hindi ito nag-evolve mula sa Delta o iba pang naunang variant.

Sa ngayon, tatlong teorya sa pinagmulan ng variant ang ikinokonsidera:

Ang unag teorya ay ang virus ay nag-mutate sa isang immunocompromised na tao o carrier na may mahinang immune system.

Ang isa pang teorya ay na ito ay nag-mutate sa mga pasyente ng Covid-19 nang hindi napapansin, kahit na sinabi ng papel na ang teorya ay hindi malamang.

Ang ikatlong teorya ay ang isang species ng hayop ay maaaring nahawahan ng isang strain ng tao, na sumailalim sa maraming mga round ng mutation bago muling nahawahan ang mga tao.

Sa nasabing pag-aaral ang mga mananaliksik mula sa Nankai University sa Tianjin at ang National Institute for Communicable Disease Control and Prevention, ay inihambing ang mga mutasyon ng lahat ng mga variant of concern at mga variant of interest na tinukoy ng World Health Organization. RNT